BRGY. SANTIAGO, GEN. TRIAS — Magkasabay na ipinagdiwang ng sambayanan ni Maria, Ina ng Tagapagligtas ang Dakilang Kapistahan ng kanilang patrona at ang makasaysayang pagdedeklara ng Mary, Mother of the Savior Parish sa Sitio Bagong Silang, Brgy. Santiago, Gen. Trias, Cavite noong ika-10 ng Oktubre 2026.
Sa Banal na Misa na pinangunahan ni Lub. Kgg. Reynaldo G. Evangelista, DD, Obispo ng Imus, at dinaluhan ng mga kaparian ng Diyosesis at ng Society of the Divine Savior (SDS) sa ganap na ika-3:30 ng hapon, pormal na binasa ni Rdo. Pd. Agustin M. Baas, Episcopal Vicar ng Episcopal District of St. Luke, ang dikreto ng pagkakatatag ng parokya at mga nasasakupan nito. Isinunod din ang pagtatalaga kay Rdo. Pd. Joselito R. Fernandez, SDS bilang kauna-unahang Kura Paroko ng Mary, Mother of the Savior Parish.
Sa homiliya ng Mahal na Obispo, pinagnilayan ang tema ng kapistahan na “Maria, Ina ng Tagapagligtas: Huwaran ng Pakikinig at Pagsunod.” Aniya, “Naparito ang Diyos mula sa kaluwalhatian ng langit, bumaba sa lupa, naging kapiling natin… sa pamamagitan ng “oo” ng Mahal na Birheng Maria.” Ayon pa sa Obispo, ang pag-oo ni Maria ay kabaligtaran ng pag-hindi ni Eba sa utos ng Diyos sa Lumang Tipan. Kung paanong pumasok ang kasalanan sa mundo sa pamamagitan ng pagsuway ni Eba, naganap ang pagliligtas ni Hesukristo sa sanlibutan sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod ni Maria sa Wika ng Diyos sa pamamagitan ng Anghel.
Pagkatapos ng Banal na Misa ay isinagawa ang maringal na prusisyon sa karangalan ni Maria, Ina ng Tagapagligtas kasama ng mga patron ng bawat kapilya at komunidad. Ipinamalas ng sambayanan ang kanilang debosyon sa Mahal na Ina sa masigasig na pakikiisa sa prusisyon na umikot sa mga mga sulok ng parokya.
Nag-alab ang diwa ng pagkakaisa sa nasabing pamayanan na naka-angkla sa patnubay at pamamagitan ni Maria, Ina ng Tagapagligtas upang matagumpay na maisagawa ang kapistahan at maihatid ang parokya sa panibago nitong yugto, dala ang pag-asa ng bawat mananampalatayang namimintuho kay Maria at nagnanais na mas mapalapit sa Diyos.