Poong Jesus Nazareno ng Quiapo, dumalaw sa Carmona, Cavite

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Poong Jesus Nazareno ng Quiapo, dumalaw sa Carmona, Cavite

October 12, 2026 by Diocesan Media

LUNGSOD NG CARMONA, CAVITE — Dumating na kahapon (Oktubre 8, Huwebes) ang replica image ng Poong Jesus Nazareno mula sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila sa Lungsod ng Carmona, Cavite.

Bahagi ito ng "Dalaw Nazareno sa Carmona" na inorganisa ng Parokya ng San Jose, sa diwa ng paksang "Jesus Nazareno sa Piling ng Kanyang Itay."

Mula sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno, dumating ang imahen ng Poon sa harap ng Carmona Elementary School bandang ika-1:30 ng hapon bago isinagawa ang isang banal na prusisyon o 'pasanan' na tumahak sa ilang pangunahing kalsada sa poblacion ng Carmona.

Nakiisa ang maraming deboto sa ruta ng pasanan, na pinangunahan ng Carmonian's Balangay, ang samahan sa Parokya ng San Jose na nangunguna sa pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. Huminto-hinto ang prusisyon sa mga tahanan ng ilang deboto at mga camarero at camarera, o yaong mga nag-iingat ng mga imahen ng mga santong isinasama tuwing may grand procession sa Carmona.

Bandang ika-4 ng hapon nang makarating ang prusisyon sa parokya, kung saan sinalubong ito ng sambayanan sa pangunguna ng kanilang kura paroko na si Rdo. Padre Ariel A. Delos Reyes.

Matapos ihatid sa altar ng simbahan ang imahen ng Poong Jesus Nazareno, ginanap ang sama-samang panalangin na sinundan ng tradisyonal na 'pahalik' para sa mga deboto.

Ganap na ika-5 ng hapon nang ipagdiwang ang Banal na Misa sa pangunguna ni Rdo. Padre Edgardo "Egai" B. Doroteo ng Merciful Missionaries of St. Joseph, isa sa mga panauhing pari sa Simbahan ng Quiapo, kasama si Rdo. Padre Jorge Alberto Alvarenga, isang panauhing pari mula sa bansang El Salvador na naglilingkod sa Parokya ng San Jose. Muling nagkaroon ng pahalik pagkatapos ng Misa.

Mananatili sa Parokya ng San Jose ang imahen ng Poong Jesus Nazareno, na iikot sa iba't-ibang pamayanang sakop ng parokya sa Oktubre 9, Biyernes, hanggang dalhin ito sa Kapilya ng Milagrosa sa gabi. Mananatili sa nasabing kapilya ang Poong Nazareno hanggang Oktubre 10, Sabado, kung kailan ito ibabalik sa parokya.

Magkakaroon ng pahalik sa imahen sa mga Misa sa parokya sa umaga ng Oktubre 11, Linggo, bago ganapin ang Grand Pasanan sa ika-4:30 ng hapon na tinatayang aabutin ng ilang oras.

Ihahatid mula sa Carmona ang imahen ng Poong Nazareno pabalik sa Simbahan ng Quiapo sa umaga ng Oktubre 12, Lunes.

Huling dumalaw ng replica image ng Poong Jesus Nazareno sa Parokya ng San Jose noong Oktubre 2024.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6