Theme: “Healing and Transformation in the Correctional Community: Witnessed to by a Synodal Church Touched by God’s Infinite Love!”
Matagumpay na idinaos ang 4th Luzon/NCR Regional Assembly of Jail/Prison Chaplains and Volunteers in Prison Service (VIPs) ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC) noong Oktubre 5–8, 2026, sa BLD Covenant House and Retreat Center, City of Dasmariñas, Cavite. Dinaluhan ito ng mga jail and prison chaplains at Volunteers in Prison Service mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong Luzon upang magbahaginan ng kaalaman at karanasan, at higit pang pagtibayin ang kanilang misyon sa paglilingkod sa correctional community.
Sa ikalawang araw, Oktubre 6, naging tampok ang mga makabuluhang talakayan at pagbabahagi ng mga tagapagsalita at volunteers tungkol sa kanilang mga pananaw, karanasan, at mga aral mula sa kanilang paglilingkod. Bilang paghahanda sa Banal na Misa, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na tumanggap ng Sakramento ng Kumpisal. Pinangunahan ni Bishop Emeritus Pedro Arigo, dating Chairman ng CBCP ECPPC, ang pagdiriwang ng Banal na Misa.
Noong Oktubre 7, kasabay ng paggunita sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, nagpatuloy ang mga talakayan sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng mga karanasan at programa mula sa kani-kanilang diyosesis. Nakatulong ang mga ito upang matukoy ang mga dapat pagtuunan ng pansin at mapagplanuhan ang mga susunod na hakbang para sa higit na ikauunlad ng mga programa at gawain ng VIPs.
Nagtapos ang ikatlong araw sa isang Fellowship Night, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na patatagin ang kanilang samahan sa pamamagitan ng kantahan, sayawan, at masayang pagsasama-sama. Naging mahalagang bahagi ito ng pagtitipon, na nagbigay-daan sa mas malalim na ugnayan at pagkakaisa sa kabila ng magkakaibang pinagmulan at diyosesis.
Sa huling araw, Oktubre 8, nagbahagi ang mga VIPs ng kanilang mga natutuhan at reflections mula sa apat na araw na pagtitipon. Nagsilbi itong pagkakataon upang pagnilayan ang kanilang mga karanasan at tukuyin ang mga hakbang na makatutulong sa patuloy na pagpapalakas ng kanilang paglilingkod.
Pormal na nagtapos ang Regional Assembly sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, Obispo ng Imus. Kasabay nito, isinagawa ang pagbabasbas sa mga bagong Priest and Lay Convenors ng buong Luzon at ang paggawad ng mga sertipiko sa mga dumalo at nakiisa sa pagtitipon.
Sa pamamagitan ng Regional Assembly, muling pinagtibay ng mga jail and prison chaplains at VIPs ang kanilang paninindigang maging mga saksi ng pag-asa, habag, at pagbabago sa buhay ng mga kapatid nating nasa correctional community. Kaakibat ng temang “Healing and Transformation in the Correctional Community: Witnessed to by a Synodal Church Touched by God’s Infinite Love!”, patuloy nilang isinusulong ang isang Simbahang mapagkalinga at nakikiisa sa misyon ng pagpapagaling at pagbabago, na ginagabayan ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos.