Sa diwa ng pananampalataya, debosyon at pagkakaisa, buong galak na ipinagdiwang ng Diyosesis ng Imus ang ika-46 na Karakol bilang parangal sa Mahal na Birhen del Pilar, Patrona ng Diyosesis, ngayong araw ng Linggo, ika-11 ng Oktubre taon 2026.
And Banal na Misa na nagsimula sa ganap na ala-una ng hapon ay pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Reynaldo Evangelista, D.D., Obispo ng Imus, kasama ang iba't-ibang komunidad at parokyang nasasakupan ng Diyosesis na sama-samang nagtipon upang ipahayag ang kanilang debosyon sa Mahal na Birhen na kilala rin sa taguring Nana Pilar. Dumalo din sa pagdiriwang ang alkalde ng Imus, Mayor Alex Advincula, kanyang anak na si Congressman Adrian Jay Advincula, kasama rin ang kanyang Bise Mayor, mga Konsehal ng Lungsod ng Imus at iba pang lingkod ng pamahalaan.
Sa kanyang homiliya binalikan ng Obispo ang pagpapakita ng Mahal na Birhen kay Santiago Apostol na sa panahong iyon ay tila pinanghihinaan na ng loob sa kanyang misyon. Ang kanyang pagpapakita ay nagdulot ng panibagong lakas at kagalakan sa puso ng apostol upang ipagpatuloy ang misyon na iniatang ni Hesus sa kanya. Binigyang diin nya rin kung paanong naging kakaiba ang pagpapakita ng Mahal na Birhen del Pilar kay Santiago Apostol. Aniya, "Ang pagpapakitang iyon ay hindi katulad ng iba na tinawag na 'apparition', bagkus ang pagdalaw niya kay Santiago ay isang 'visitation' - buhay pa ang Mahal na Ina ng siya ay nagpakita kay Santiago Apostol." Inanyayahan din ng Obispo ang lahat na lumapit sa Mahal na Ina lalo na sa panahon ng mga pagsubok at paghihirap. Aniya "Maging matatag, matibay lagi, puno ng pag-asa...ang tunay na haligi ay ang ating Panginoong Hesukristo. At kaya tayo lumalapit sa Ina dahil siya ang pinakamalakas at pinakamalapit sa kanyang anak. Ilalapit nya tayo sa Kanyang anak".
Matapos ang Banal na Misa ay sinimulan ang Karakol na pinangunahan ng JCI Imus Haligue. Nakilahok ang maraming mga deboto sa boluntaryong pagpapasan at pagsasayaw kay Nana Pilar na sinabayan din ng indak ng lahat ng dumalo; bata, matanda, babae man at lalaki, lahat ay masayang nakiisa sa pagsasaya at pag-aalay ng sayaw at pasasalamat kay Nana Pilar.
Sa patuloy na paggabay at pamamagitan ni Nana Pilar, nawa'y manatiling nagkakaisa ang sambayanan ng Diyos sa pananampalataya, pag-ibig at pag-asa at patuloy na maging saksi ni Kristo sa bawat pamayanan.
Viva La Virgen del Pilar! Viva!