IMUS, CAVITE — Nagsimula ngayong Oktubre 16, 2026 ang Billings Ovulation Method (BOM) Teacher’s Training Certification Course na ginaganap sa Casas Hall, Bishop’s House, Imus Cathedral.
Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na ihanda ang mga kalahok bilang mga kwalipikadong BOM teachers na makapagbibigay ng wastong kaalaman at pastoral accompaniment sa mga mag-asawa sa kanilang paglalakbay tungo sa responsableng pagiging magulang, paggalang sa buhay, at pagpapalalim ng pagmamahalan sa loob ng pamilya.
Tampok na resource speaker si Prof. Rally F. Ganar, Director ng World Organization of the Ovulation Method Billings (WOOMB) Philippines, na nangunguna sa pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa Billings Ovulation Method.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, inaasahang mapalalakas ang kakayahan ng mga layko lingkod na samahan at gabayan ang mga mag-asawa sa paggawa ng mga responsableng pasya para sa kanilang pamilya, ayon sa dignidad ng mag-asawa at pagpapahalaga sa buhay.
Ang training ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Family and Life Ministry na mapalawak ang pastoral care at accompaniment para sa mga mag-asawa at pamilya, at maisulong ang isang pamilyang nakaugat sa pananampalataya, pagmamahal, pananagutan at paggalang sa buhay.