BACOOR, CAVITE — Umabot sa 163 kabataan ang nakiisa sa Youth Leaders Conference 2026 ng Ministri sa Kabataan ng Diyosesis ng Imus sa St. Michael Institute of Bacoor Inc., na nakatuon sa pagpapalakas ng pamumuno at pakikibahagi ng kabataan sa misyon ng Simbahan.
Tampok sa pagtitipon ang Creative Prayer, animation, Pastoral Planning Workshop, talakayan sa mga action plan, Diocesan Youth Ministry Business Meeting, at paghahanda para sa World Youth Day 2027 sa Seoul, South Korea.
Inilunsad din ang Diocese of Imus Youth Ministry Guidelines, na nilagdaan ng mga kinatawan mula sa bawat vicariate bilang gabay sa pagpapatupad ng youth ministry sa diyosesis.
Inanunsyo rin na ang Vicariate of Our Lady of Candelaria ang magiging venue ng Youth Leaders Conference 2027.
Dumalo rin si Most. Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Imus, at nagpaabot ng mensahe ng suporta at paghihikayat sa mga kabataan ng diyosesis.
Nagtapos ang pagtitipon sa Banal na Eukaristiya at Paghahayo, bilang panawagan sa kabataan na maging aktibong katuwang ng Simbahan sa misyon at paglilingkod.