IMUS, CAVITE — Ipinagdiwang ng sambayanan ng Diyosesanong Dambana at Parokya ng Mahal na Birhen del Pilar ang kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen Maria ngayong Setyembre 8, 2026.
Nagsimula ang pagdiriwang sa Banal na Misa ganap na alas-5:30 ng hapon, na sinundan ng prusisyon at tradisyunal na Pahalik sa orihinal na imahen ng Nuestra Señora del Pilar, o “Nana Pilar,” na kinikilala bilang patrona ng Diyosesis ng Imus.
Sa kabila ng pag-ulan, hindi natinag ang debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Birhen. Bitbit ang kanilang mga payong, rosaryo, kandila, at panalangin, sama-samang nakibahagi ang mga deboto sa prusisyon.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang pag-awit ng “Happy Birthday” para sa Mahal na Birhen, bilang pagpapahayag ng matimyas na pagmamahal at debosyon ng sambayanan sa kanya.
Sa kabila ng masamang panahon, matagumpay na nairaos ang prusisyon at nagtapos ang pagdiriwang sa pagbabalik ng karosa ng Mahal na Birhen sa kanyang dambana.
Ipinakita ng prusisyon ang patuloy na pakikilakbay ni Nana Pilar sa kanyang mga anak—kasama ng sambayanan sa pananampalataya, maging sa gitna ng mga pagsubok at hamon na kanilang kinahaharap.