SILANG, CAVITE — Ginanap ngayong Setyembre 7, 2026 ang Banal na Misa para sa yumaong si Rev. Fr. Maximo S. Pangilinan sa Divine Mercy Parish, Biluso, na sinundan ng ritu ng paglilibing sa Himlayang Pastol.
Pinangunahan ni Most. Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Imus, ang Banal na Misa, kasama ang mga kapatid na pari. Nagbigay naman ng homiliya si Rev. Msgr. Dario V. Cabral, Rector at Kura Paroko ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan, Bulacan.
Sa kanyang homiliya, ibinahagi ni Msgr. Cabral ang ilan sa mga karanasan ni Fr. Maxi sa kabila ng kanyang karamdaman, gayundin ang kanyang patuloy na pagsisikap sa kanyang ministeryo bilang pari.
Dinaluhan ang pagdiriwang ng mga kaanak, mahal sa buhay, mga parokyano, kapatid na pari, at mga mananampalataya mula sa iba't ibang bahagi ng Diyosesis ng Imus.
Sa kanyang huling hantungan, inialay para kay Fr. Maximo ang mga panalanging awit, kabilang ang “Litanya ng mga Banal,” bilang panalangin para sa kanyang kaluluwa; “Salve Regina,” bilang paghingi ng makainang pamamatnubay ng Mahal na Birheng Maria; at “Pari Magpakailanman,” na nagsilbing paalala na bagamat siya ay lumisan na sa mundong ito, mananatili siyang pari magpakailanman.