SILANG, CAVITE – Sa kabila ng masungit na panahon, ginanap ngayong Setyembre 4, 2026 ang Catechetical Celebration 2026 na may temang "Pakikinig: Synodal Journey for one mission" ng Diyosesis ng Imus sa Divine Mercy Parish Biluso, na dinaluhan ng mga katekista mula sa iba’t ibang bahagi ng diyosesis.
Nagsimula ang pagdiriwang sa pambungad na pananalita at pagtanggap ng Kura Paroko na si Rev. Fr. Eric M. Orcullo, OFS, na sinundan ng Banal na Misa na pinangunahan ni Most. Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Imus.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Bishop Evangelista ang mga biyayang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga katekista, gayundin ang mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang paglilingkod. Kasama rin sa pagdiriwang si Rev. Fr. Reiner R. Dumaop, Priest Animator ng Ministri sa Katekesis, at mga katuwang na pari.
Sinundan ito ng isang talk na pinangunahan ni Rev. Msgr. Pedro Gerardo O. Santos, Ed.D., PC, na tumalakay sa mahahalagang katangian at kaalamang kinakailangan sa pagbibigay ng katekismo. Ibinahagi rin ang halimbawa ni Ka-Luring bilang huwarang katekista.
Binigyang-parangal naman ang mga katekistang umabot na sa 30 taon ng tapat na paglilingkod sa larangan ng katekesis.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, pinasalamatan ni Rev. Fr. Reiner ang mga katekista sa kanilang pakikiisa at buong pusong pag-aalay ng sarili sa kanilang misyon, bago igawad ang huling pagbabasbas.
Naging makabuluhan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng sama-samang pakikiisa ng mga katekista at pagkilala ng Diyosesis ng Imus sa kanilang mahalagang papel sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus na magturo at magbahagi ng pananampalataya.