SocCom Team ng Diyosesis ng Imus, nagtipon sa planning workshop

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

SocCom Team ng Diyosesis ng Imus, nagtipon sa planning workshop

August 03, 2026 by Diocesan Media

LUNGSOD NG IMUS, CAVITE β€” Nagsama-sama ang mga kasapi ng Media Team sa ilalim ng Ministry on Research and Social Communications (MPK) ng Diyosesis ng Imus upang itakda ang kanilang mga gawain, programa, at proyekto sa isang planning workshop noong Agosto 1 sa Casas Hall, Bishop's House, Lungsod ng Imus, Cavite.

Naging daan ang pagtitipon upang higit na magkakilala ang mga social communications ministers at mapalalim pa ang kanilang paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang sambayanan.

Tampok sa pagtitipon ang panayam ni Rdo. Padre Randy S. De Jesus, diocesan priest-animator ng MPK, tungkol sa paksang "Connected in Mission: Communicating Christ through Service and Media."

Binigyang-diin ni Padre De Jesus ang mahalagang gampanin ng mga kasapi ng MPK bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa gitna ng pag-unlad ng makabagong teknolohiya, social media, at ng tinatawag na artificial intelligence.

Hinikayat din ng pari ang mga social communications ministers na maging responsable sa bawat larawang kinukunan at sa bawat content na kanilang nililikha upang maging higit na mabisang tulay ang Simbahan sa buhay ng mga tao. Aniya, hindi nasusukat sa dami ng views, reactions, o followers ang tagumpay ng isang "digital missionary communicator," kundi sa mga taong naaabot at nahihikayat na makilala ang Panginoong Hesus.

Sinundan ang panayam ng pagpupulong ng iba't ibang departamento ng ministeryo, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga dumalo na talakayin ang kanilang mga tungkulin at mga plano upang makatulong sa mas maayos na pagtupad sa misyon ng MPK.

Matapos ang pangkatang pagbabahaginan, ibinahagi ng mga kinatawan ng news writing, photography and videography, creatives, at social media management ang kani-kanilang mga hangarin at plano. Nagkaroon din ng pagpapalitan ng mga ideya kung paano higit pang mapaghuhusay ng bawat larangan ang kanilang ugnayan sa isa't isa.

Pinangunahan naman ni Chris Julius D. Conjurado, diocesan lay collaborator ng MPK at isa sa mga lay pastoral workers ng Diyosesis ng Imus, ang pagtalakay sa talaan ng mga gawain, kung saan binigyang-pansin ang pagtutok ng MPK sa mga pagdiriwang ng kapistahan, mga pagtitipon, at iba pang gawain ng Simbahan sa Cavite, kabilang ang mga parokyang nasasakupan ng Diyosesis ng Imus.

Nagbigay rin ng input tungkol sa Taon ng Pakikinig Conferences si Rdo. Padre Michael Laurence C. Paglinawan, priest-in-charge ng Media Team para sa nasabing pagtitipon, na bahagi ng mga paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-65 taon ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Imus. Nakatakda ang huling Taon ng Pakikinig Conference sa Agosto 31 sa Sisters of Mary Girlstown sa Silang, Cavite.

Dumalo sa pagtitipon ang Obispo ng Imus, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, na nagbigay ng mensahe ng inspirasyon at pasasalamat sa mga SocCom minister.

Ipinahayag ng obispo ang kanyang buong suporta sa mga hangarin at programa ng MPK. Kinilala rin niya ang mga dumalo dahil sa kanilang sipag, sakripisyo, at pag-aalay ng panahon at kakayahan sa paglilingkod sa Simbahan sa pamamagitan ng social communications.

"Itong inyong gawain ay hindi basta libangan. Hindi ito basta 'gusto ko lang.' You are embracing a missionβ€”an apostolate for the Church. Saan galing ang misyon? Sa ating Panginoong Hesukristo," ayon kay Obispo Evangelista.

Tinukoy din ni Obispo Evangelista ang mahalagang papel ng mga SocCom ministers sa panahong maraming kabataan ang naghahanap ng kahulugan at direksiyon sa buhay sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos.

"Marami pa tayong dapat maabot, and I know you are embracing the challenge. Marami pang mga kabataan at mananampalataya na, sa halip na mag-scroll lamang, [dapat] i-attract natin to something about God, the Roman Catholic faith, the Church, the Scriptures, the Word of God, the Sacraments and the lives of saints," sabi ng obispo.

Nagbigay ng pagbabasbas si Obispo Evangelista sa mga dumalo bilang hudyat ng pagtatapos ng planning workshop.

Itinakda ang pagtitipon ng mga kasapi ng Diocesan Media Team tuwing ikalawang Sabado ng bawat buwan. Inaasahang isasagawa sa mga regular na pagtitipong ito ang mga seminar-workshop, training, recollection, at iba pang mga gawain ng grupo.

Written by: Mark Gubagaras | Social Communications, Diocese of Imus

Diocese of Imus Logo

General CastaΓ±eda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6