TANZA, CAVITE β Nagtipon-tipon ang mga deboto ng mga patron ng siyam na dambanang pang-diyosesis at pambansa sa Cavite para sa "Santuarios: The Grand Procession" kagabi, Hulyo 26, sa Diocesan Shrine of San Agustin and Parish of Santa Cruz.
Dinagsa ng daan-daang mga mananampalataya ang prusisyon bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-10 taon ng Pangdiyosesanong Dambana ni San Agustin.
Kasama sa prusisyon at pagdiriwang ang mga mananampalataya at mga deboto mula sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima sa Binakayan, Kawit; Diocesan Shrine and Parish of Saint Mary Magdalene sa Kawit; Diocesan Shrine and Parish of Nuestra SeΓ±ora del Santissimo Rosario, Reina del Caracol, sa Rosario; at Diocesan Shrine and Parish of Nuestra SeΓ±ora de Candelaria sa Silang, Diocesan Shrine and Cathedral-Parish of Our Lady of the Pillar sa Lungsod ng Imus; Diocesan Shrine of Nuestra SeΓ±ora de la Soledad de Porta Vaga and Parish of San Roque sa Lungsod ng Cavite; National Shrine of Our Lady of La Salette sa Biga, Silang; at Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Immaculate Conception sa Naic.
Hindi naman nagpahuli sa dulo ng prusisyon ang mga deboto at imahen ni San Agustin de Tanza, na mas kilala bilang si Tata Usteng.
Bago ang prusisyon, ipinagdiwang ang isang Banal na Misa sa pangunguna ni Rdo. P. Julius R. De Sagun, ang paring kalihim ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines, at mga kasamang pari.
Nagpasalamat si Padre De Sagun sa Diyos at sa lahat ng mga nakiisa sa pagtitipon, na aniya ay sumasalamin sa pagiging magkakapatid ng mga deboto sa pananampalataya.
"Pinagmamasdan ko po ang buong paligid. Punung-puno po tayo hanggang labas. Meron tayong mga tagapamagitan sa Diyos na maaari nating lapitan. At ano ang patunay nito? Kayo at ako na mga deboto ng iba't-ibang mga patron ng mga sambayanan at dambana sa Diyosesis ng Imus," ayon sa pari.
Nagpaalala rin si Padre De Sagun ukol sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang maipakilala ang mga debosyon sa mga patron ng iba't-ibang simbahan sa Cavite.
"Dapat habang tumatagal, ang mga shrines, lalong dumarami ang mga tao. Nagtutulong-tulong tayong ipakilala ang mga patron. Tulong-tulong tayo dito sa buong Diyosesis para maipakita natin sa Diyos ang ating pagmamahal sa Kanyang mga hinirang na maging tagapamagitan natin sa langit," saad ni Padre De Sagun, na kura rektor din ng simbahan ng Binakayan, Kawit.
Idinedeklarang diocesan shrine ang isang simbahan sa bisa ng pagpapatibay ng lokal na obispo batay sa ilang pamantayan, tulad ng matinding debosyon ng mga mananampalataya sa kanilang patron, mga himalang nakaugnay dito, at ang kahalagahan ng debosyon sa lokal na kasaysayan at kultura.
Written by: Mark Gubagaras | Social Communications, Diocese of Imus