LUNGSOD NG DASMARINAS, CAVITE— Nagtipon ang sambayanan ng Parokya ng Hesus Nazareno para sa opisyal na pagtatalaga sa bago nitong kura paroko, Reb. Pd. Ronnie R. Crisostomo, SVD. Ang seremonya ng pagtatalaga ay pinangunahan ng ating minamahal na obispo, Lub. Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D.
Ang pagtatalaga ay ipinagdiwang ng mga kaparian mula sa Society of the Divine Word (SVD), kabilang na rito ang dating kura paroko ng nasabing parokya na si Reb. Pd. Teofilo “Popo” Perey, SVD, pati na rin sina Reb. Pd. Peter Vu Tran, SVD, Reb. Pd. Randy Flores, SVD, Reb. Pd. Dondion Soriano, SVD, at ang kasalukuyang parochial vicar ng Parokya ng Hesus Nazareno na si Reb. Pd. Elmer Flores, SVD kasama ang mga bisita mula sa kanyang dating tungkulin sa Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word at mga seminarista ng SVD — isang magandang paalala na ang misyon ng Simbahan ay ibinabahagi at sinusuportahan ng isang mas malawak na komunidad.
Ang araw na ito ang nagsisilbing simula ng pangalawang tungkulin ni Padre Ronnie sa parokyang ito, matapos siyang unang maglingkod dito mula 2015 hanggang 2017. Ngayon, puno ang simbahan at bawat upuan ay puno — habang mainit na tinatanggap ng mga parokyano at mga tagapaglingkod ang pastol na kanilang minamahal. Sa homiliya, pinagnilayan ng ating Obispo ang mga pagbasa at ang mabuting balita tungkol sa isang babaeng Cananea na ang pananampalataya ay hinamon ngunit hindi kailanman nasira at nakatanggap ng awa ni Kristo.
Ayon sa ating obispo, “Sapagkat kung ano man ang iyong lahi, kulay, at estado sa buhay, kung ano man ang iyong pinag-aralan, iisa lamang ang plano ni Hesus — Iyon ay tayo’y maligtas.” Pinaaalalahan niya tayo na ang pagliligtas ng Panginoon ay walang kapantay, at tayo’y mga instrumento ng pagpapahayag sa pag-ibig ng ating Panginoon sa atin. Ang mga mananampalataya at lingkod-simbahan ay inaanyayahan, “Tayong mga lingkod ng simbahan at mga mananampalataya, tayo’y maging instrumento upang hikayatin natin ang ating mga kapatid na magsimba — sapagkat lalago ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsisimba at pagdarasal sa araw-araw.”
Sa naganap na solemneng pagtatalaga, si Fr. Ronnie ay sinamahan ng ating minamahal na obispo sa ilang mga parte ng simbahan upang basbasan ang benditahan, kumpesyonaryo, at sa tabernakulo na sumisimbolo sa parokyang ipinagkakatiwala na sa kaniya. Bago umupo bilang opisyal na kura paroko, sinundan ito ng isang pagpapakita ng pagkakaisa kung saan nagpalitan ng mainit na yakap sina Reb. Pd. Ronnie Crisostomo, SVD at ang ating minamahal na obispo.
Ipinakita sa ebanghelyo kung paanong ang babaeng Cananea ay nagtiwala nang walang pag-aalinlangan sa awa ni Kristo, gayundin ang komunidad na ito ay nagtitiwala sa plano ng Panginoon para sa bagong kabanatang ito ng kanilang paglalakbay — nagkakaisa sa pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal (kawanggawa) kasama si Reb. Pd. Ronnie Crisostomo sa kanilang tabi.
Written by: Niña Brioso | Social Communications, Diocese of Imus