Sa kabila ng walang humpay na pag-ulan, dumagsa pa rin ang mga mananampalataya sa parokya upang ipakita ang kanilang debosyon kay Santa Candida Maria de Jesus sa pagdiriwang ng kaniyang ika-5 Kapistahan.
Sa temang, “Santa Candida, Gabay ng mga Taong Nakikinig, Tumatalima, at Nagkakawang Gawa,” tampok sa pagdiriwang ang Misa Concelebrada, Misa Pasasalamat, at Maringal na Prusisyong dinaluhan ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang komunidad na nasasakupan ng parokya.
Bago ang Misa Concelebrada, isinagawa ang pagpapasinaya at paglalahad ng Vision at Mission ng parokya, na nagsilbing mahalagang bahagi ng pagdiriwang at sumasalamin sa patuloy na paghubog ng pagkakakilanlan at misyon ng pamayanan.
Pinangunahan ni Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Imus ang Misa Concelebrada na isinagawa sa ganap na alas-9 ng umaga. Dinaluhan ito ng ilang mga pari mula sa Diyosesis ng Imus, mga kinatawan ng iba’t-ibang chapel communities, at mga debotong mananampalataya ng patrona.
Sa kaniyang homiliya, ibinahagi ni Obispo Evangelista ang kasaysayan ng pagkakatatag ng Parokya ni Santa Candida Maria de Jesus sa tulong ng mga madre mula sa kongregasyong itinatag ng patrona. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtulad sa buhay ni Santa Candida sa pamamagitan ng pakikinig, pagsunod, at paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Bilang mensahe sa mga mananampalataya, hinimok ni Obispo Evangelista ang mga deboto na isabuhay ang mga pagpapahalagang ipinamalas ni Santa Candida. Aniya, “Nawa ay maakay tayo ni Santa Candida Maria de Jesus upang magkaroon tayo ng pusong nakikinig, pusong tumatalima, at pusong nagkakawanggawa.”
Matapos ang Banal na Misa, isinagawa ang pag-insenso at sabay-sabay na inawit ng mga mananampalataya ang himno bilang pagpupugay sa patrona.
Sa hapon, pinangunahan ni Reb. Pd. Mayolene Joseph Mayola ang Misa Pasasalamat, na sinundan ng isang maringal na prusisyon sa mga kalsadang sakop ng parokya.
Bagamat muling bumuhos ang ulan, hindi ito naging hadlang sa mga debotong nakiisa sa prusisyon. Sa halip, nanatili silang matatag sa paglalakbay kasama ang imahen ni Santa Candida, bitbit ang kanilang panalangin, pananampalataya, at pasasalamat.
Sa ika-5 taon ng pagdiriwang ng kapistahan, muling ipinakita ng mga mananampalataya ang kanilang tunay na debosyon sa pamamagitan ng mga pusong handang makinig, tumalima, at magkawanggawa—ayon sa halimbawa ni Santa Candida Maria de Jesus.
Written by: Reese Antoinette Ibon at Jharmella H. Bartiana | Social Communications, Diocese of Imus