General Trias City, Cavite — Setyembre 24, 2026. Sama-samang nakiisa ngayong araw ang mga sambayanan ng Bikaryato ni San Francisco de Asis sa Pang-Bikaryang Pagdiriwang ng Ika-800 Anibersaryo ng Kamatayan ni San Francisco de Asis, bilang paggunita sa kanyang buhay, pananampalataya, at natatanging halimbawa ng pagsunod sa Diyos.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga sumusunod na parokya: Parokya ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, Parokya ni San Judas Tadeo, Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, Parokya ni San Gregorio Magno, Parokya ni San Vicente Ferrer, Parokya ni San Gabriel Arkanghel, Parokya ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon, Parokya ng Mahal na Birheng Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano, at Parokya ni San Francisco de Asis.
Kasama rin sa pagdiriwang ang tatlong sambayanang naghahanda upang maging ganap na parokya: ang Sambayanan ni Santa Rita de Cascia, Sambayanan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Tagapagligtas, at Sambayanan ni Santa Teresa ng Calcutta.
Panalangin at Pangangalaga sa Sangnilikha
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng panalangin at pagtatanim ng mga puno sa General Trias City Park, bilang konkretong pagpapahayag ng malasakit sa sangnilikha—isang pagpapahalagang malapit sa puso at buhay ni San Francisco de Asis.
Matapos ang pagtatanim ng mga puno, isinagawa ang karakol patungo sa Parokya ni San Francisco de Asis. Naging tanda ito ng sama-samang paglalakbay at pagkakaisa ng mga sambayanan ng Bikaryato sa paggunita sa mahalagang anibersaryo.
Pagbabalik sa Halimbawa ni San Francisco
Sinundan ito ng isang banal na pagsasanay o recollection na pinangunahan ni Rev. Fr. Manny David, Kura Paroko ng Parokya ni San Vicente Ferrer. Nagbigay ito ng higit na kaalaman at kamalayan sa mga dumalo tungkol sa buhay, pananampalataya, at halimbawa ni San Francisco de Asis, gayundin sa mga hamon at paanyaya nito sa bawat mananampalataya.
Nagkaroon din ng pagkakataon para sa bahaginan, kung saan naibahagi ng mga kalahok ang kanilang mga karanasan at pagninilay sa tulong at paggabay ng tagapagpadaloy ng banal na pagsasanay. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na magpakuha ng mga larawan bilang alaala ng kanilang pakikiisa sa makabuluhang pagdiriwang.
Pagbabalik-tanaw sa Mabuting Pagkatao
Tinapos ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Glen Dela Peña, Vicar Forane ng Bikaryato ni San Francisco de Asis at Tagapamahala ng Sambayanang Naghahanda na Maging Parokya ni Santa Rita de Cascia.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Rev. Fr. Randy S. De Jesus, Kura Paroko ng Mary Help of Christians Parish, na ang pagdiriwang ng ika-800 anibersaryo ng kamatayan ni San Francisco de Asis ay isang paanyaya na magbalik-tanaw sa ating mabuting pagkatao at sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan.
Mahalagang suriin muli ang ating kaugnayan sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, at sa sangnilikha. Sa pagbabalik-tanaw sa mga ugnayang ito, muli nating natutuklasan ang kabutihang ipinagkaloob ng Diyos at kung paano natin ito maisasabuhay sa pagmamahal, malasakit, pagpapakumbaba, at paglilingkod.
Ang ganitong pagbabalik-tanaw ay umaakay sa atin tungo sa karanasan ng kapayapaan at mabuting pamumuhay—isang buhay na nakaayon sa Diyos, may malasakit sa kapwa, may pagkalinga sa sarili, at may paggalang sa sangnilikha.
Tulad ni San Francisco, inaanyayahan ang bawat isa na mamuhay nang malapit sa Diyos at gawing konkretong pagkilos ang pananampalataya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay, paglilingkod, pakikipagkapatiran, at pangangalaga sa sangnilikha.
Pagpupugay sa mga Banal na Relikya
Nagtapos ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagbibigay-galang sa mga banal na relikya ni San Francisco de Asis at ni Santo Padre Pio, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mananampalataya na manalangin at humingi ng kanilang panalangin at pamamagitan.
Ang Pang-Bikaryang Pagdiriwang ngayong Setyembre 24, 2026 ay naging makabuluhang pagkakataon upang muling pagtibayin ang pagkakaisa ng Bikaryato ni San Francisco de Asis at ang sama-samang paglalakbay tungo sa mabuting pagkatao, malalim na ugnayan sa Diyos, kapayapaan, mabuting pamumuhay, at pangangalaga sa sangnilikha.
Pax et Bonum!