Pagdiriwang sa Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia de Paliparan

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Pagdiriwang sa Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia de Paliparan

September 21, 2026 by Diocesan Media

DASMARIÑAS, CAVITE - Dinaluhan ng mga mananampalataya ng Parokya ng Kristong Hari sa Paliparan III ang kapistahan ng kanilang Patrona, ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia de Paliparan,  sa ginanap na Misa Concelebrada kahapon, Setyembre 18, 2026, sa oras na ika-5 ng hapon. Ang Banal na Pagdiriwang na ito ay pinangunahan ng Obispo ng Diyosesis ng Imus, Lub. Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., kasama ang kura-paroko ng parokya na si Rev. Fr. Mario G. De Leon, ang Vicar Forane ng Bikaryato ng Ina ng Laging Saklolo na si Rev. Fr. Geoffrey G. Zacarias, at ilan pang mga miyembro ng kaparian sa diyosesis.

Sa ibinahaging homiliya ng obispo, iniugnay ito sa tema ng Pistang Peñafrancia 2026 na “Maria: Huwaran ng Pakikinig at Pagtugon”, na sumasalamin ngayong Taon ng Pakikinig. Binanggit ng obispo na ang Diyos ay nagsasalita sa buong sambayanan, at dapat na pakinggan, unawain, isapuso, at isabuhay ang Kaniyang mga salita. Ibinahagi rin niya ang mga dahilan ng pagiging huwaran sa pakikinig at pagtugon ang Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kaniyang
pakikinig sa balitang ibinahagi sa kaniya ni San Gabriel Arkanghel at pagtugon sa tawag ng Diyos na dalhin sa mundong ito ang Manunubos—ang Panginoong Hesukristo.

Bilang bahagi ng pagtatapos ng pagdiriwang, ginanap ang Prusisyon sa karangalan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia de Paliparan. Nakiisa rin ang mga miyembro ng sambayanan ng Paliparan at ng Parokya ng Kristong Hari bilang kanilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal at debosyon sa Mahal na Birhen.
Sa pagtatapos ng kapistahang ito, nawa’y ang mga mananampalataya ay matutong makinig at tumugon sa Diyos, at isapuso ang Kaniyang mga Salita, at gawing ehemplo ang Mahal na Birheng Maria bilang huwaran ng pakikinig at pagtugon.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6