DASMARIÑAS, CAVITE – Isang makabuluhang pagdiriwang ng pananampalataya ang dinaluhan ng mga mananampalataya ng Mabuhay City, Dasmariñas, Cavite sa isinagawang Maringal na Rito ng Pagtatalaga ng Altar, Dambana, at Simbahan ng Parokya ni San Agustin noong Linggo, Agosto 23, 2026, ganap na ika-5:00 ng hapon.
Pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang na Obispo Reynaldo G. Evangelista ang banal na pagdiriwang, kasama sina Rev. Fr. Geoffrey Zacarias at Rev. Fr. Ashpaul Castillo, gayundin ang mga layko, at mga debotong naging bahagi ng makasaysayang pagdiriwang.
Ang pagtatalaga ng isang simbahan at altar ay isang mahalagang ritwal sa buhay ng isang pamayanang Katoliko. Sa pamamagitan nito, ang lugar ay pormal na iniaalay at inilalaan para sa pagsamba sa Diyos, lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya at iba pang mga banal na pagdiriwang.
Higit pa sa pagiging isang gusali, ang bagong itinalagang simbahan ng Parokya ni San Agustin – Mabuhay City ay nagsisilbing tahanan ng pananampalataya at sentro ng buhay-pamparokya. Dito nagtitipon ang sambayanan upang manalangin, makiisa sa Eukaristiya, tumanggap ng mga sakramento, at sama-samang isabuhay ang misyon ni Kristo.
Sa pamumuno ng kanilang paring pastol at sa patuloy na pakikiisa ng mga mananampalataya, nawa’y maging bukal ng pananampalataya, pagkakaisa, paglilingkod, at pagmamahal sa kapwa ang Parokya ni San Agustin para sa buong pamayanan ng Mabuhay City.
Ang makasaysayang pagtatalaga ay nagsisilbing panibagong yugto sa buhay ng parokya, isang paanyaya sa lahat na patuloy na maglakbay bilang isang sambayanan ng Diyos, nakaugat kay Kristo at handang maging saksi ng Mabuting Balita.