TERNATE, CAVITE — Sa gitna ng pinsalang iniwan ng bagyo, muling ipinakita ng Simbahan ang malasakit sa mga pamilyang higit na naapektuhan nito, partikular ang mga mangingisda.
Umabot sa 200 food packs ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo sa komunidad na nasasakupan ng Sto. Niño de Ternate Parish , bilang tugon sa pangangailangan ng mga pamilyang nawalan o nabawasan ng kabuhayan dahil sa epekto ng bagyo.
Pangunahing nanguna sa pamamahagi ang Caritas Imus, katuwang ang Ministri sa Pangingisda, Caritas Philippines, at Metrobank Foundation.
Para sa mga mangingisda, hindi lamang pagkain ang hatid ng tulong, kundi isang paalala na sa panahon ng pagsubok, hindi sila nag-iisa. Sa bawat food pack na kanilang natanggap, dala rin nito ang pag-asa na unti-unti silang makababangon at makapagsisimula muli.