MPK Leaders’ Formation, Nagsimula na

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

MPK Leaders’ Formation, Nagsimula na

September 13, 2026 by Diocesan Media

TEJERO, GENERAL TRIAS — Sinimulan na ng Diocese of Imus Ministri ang MPK Leader's Formation, isang buwanang pagtitipon na naglalayong patuloy na hubugin at gabayan ang mga lider ng Ministri sa Panlipunang Komunikasyon (MPK) sa kanilang paglilingkod sa Simbahan.

Sa unang pagtitipon, tampok ang dalawang paksang tumalakay sa mas malalim na kahulugan ng pagiging bahagi ng MPK at sa papel ng komunikasyon sa pagpapalaganap ng pananampalataya: “Connected in Mission” na pinangunahan ni Rev. Fr. Randy S. De Jesus, Priest Animator ng DOI-MPK, at “Prophet of the Feed” na ibinahagi naman ni Kim Azuelo, Media Specialist ng DOI-MPK.

Sa unang paksa, “Connected in Mission,” binigyang-diin ni Fr. Randy na ang pagiging mahusay sa pagkuha ng larawan, paggawa ng bidyo, o pagbuo ng nilalaman ay hindi sapat upang maging mabuting lingkod sa MPK. Higit sa kakayahan, mahalagang nauunawaan ng isang minister ang dahilan at layunin ng kanyang ginagawa.

Ipinaalala rin niya na bahagi ng pagiging tao ang pagkakaroon ng ugnayan. Nagsisimula ito sa ugnayan sa Diyos na siyang pinagmumulan ng buhay at bokasyon, kasunod ang pagkilala at pag-unawa sa sarili, at sa huli ay ang pakikipag-ugnayan sa mga taong nakapaligid sa atin.

Sa ganitong pananaw, hinikayat ang mga MPK ministers na tingnan ang kanilang sarili hindi lamang bilang mga gumagawa ng nilalaman kundi bilang mga saksi ng pananampalataya. Ang kanilang misyon ay hindi lamang paghahatid ng impormasyon kundi higit sa lahat, pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Binigyang-diin din na ang bawat nilalamang ginagawa ng MPK ay dapat magmula sa panalangin at nakaugat sa Salita ng Diyos. Mahalaga rin ang patuloy na paghubog at pagsasaliksik upang matiyak na ang mga impormasyong ipinahahayag ay tapat sa katotohanan at karapat-dapat pagkatiwalaan.

Samantala, sa ikalawang paksa na “Prophet of the Feed,” tinalakay ni Bb. Kim ang nagbabagong paraan ng komunikasyon ng Simbahan. Mula sa dating mga anunsiyong nakikita lamang sa paligid ng parokya, mas mabilis at mas malawak nang naihahatid ang impormasyon sa pamamagitan ng social media.

Dahil dito, binigyang-diin ang malaking pananagutan ng mga namamahala sa social media ng parokya. Hindi lamang sila tagapag-post ng mga anunsiyo, kundi mga tagaplano ng nilalaman, tagapagsalaysay ng mga kuwento ng pamayanan, at tagapangalaga ng katotohanan at dignidad ng mga taong kanilang itinatampok.

Ibinahagi rin ang mga pangunahing larangan ng nilalaman na maaaring pagtuunan ng mga parokya, kabilang ang liturhiya, katekesis, pamayanan, mga anunsiyo, at pangangalagang pastoral. Tinalakay din ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano ng mga nilalaman, paggamit ng mga kagamitang madaling makuha tulad ng telepono at Canva, at pagbuo ng pangkat upang maging mas maayos at tuluy-tuloy ang gawain.

Sa kabila ng mga hamon tulad ng kakulangan sa tauhan, pagkapagod sa paglilingkod, at mga puna sa social media, hinikayat ang mga MPK ministers na magtakda ng isang ritmo ng paglilingkod na kayang panatilihin sa mahabang panahon. Binigyang-diin na mas mahalaga ang tuloy-tuloy at makabuluhang paglilingkod kaysa sa paggawa nang sobra na maaaring mauwi sa pagkapagod.

Sa pagtatapos ng unang pagtitipon, hinamon ang mga kalahok na isabuhay ang kanilang mga natutuhan sa pamamagitan ng pagpili ng isang larangan ng nilalaman na pagtutuunan ng pansin, paglikha ng isang nilalamang nagbabahagi ng pananampalataya at hindi lamang ng anunsiyo, at paghikayat ng kahit isang bagong katuwang sa kanilang ministeryo.

Ang MPK Leader's Formation ay magsisilbing tuloy-tuloy na daluyan ng paghubog sa mga lider ng MPK sa buong Diocese. Sa pamamagitan ng mga susunod pang pagtitipon at iba't ibang paksa, layunin nitong higit na ihanda ang mga lingkod ng komunikasyon upang maging mas responsable, malikhain, at matapat sa kanilang tungkulin bilang bahagi ng misyon ng Simbahan.

Sa huli, ang bawat larawan, video, salita, at nilalamang inilalabas ng MPK ay hindi lamang isang paraan ng pakikipag-ugnayan. Ito ay isang pagkakataong maghatid ng katotohanan, magbigay ng pag-asa, at higit sa lahat, akayin ang mga tao palapit kay Kristo.




Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6