SILANG, CAVITE – Ginanap ang Clergy Recollection ng Diyosesis ng Imus na dinaluhan ng mahigit 100 diyosesano at relihiyosong pari noong Nobyembre 19, 2026, sa Fully Alive Retreat House, Sisters of Mary, Silang. Paksa sa nasabing recollection ang "Pakikinig."
Sa diwa ng Taon ng Pakikinig, bahagi nito ang kahalagahan ng pakikinig ng mga pastol. Tinalakay ang "Listening Within" o ang pakikinig mula sa kalooban at emosyon. Binigyan din sila ng pagkakataong manalangin nang personal. Kasama rin sa tinalakay ang "Listening to Others," ang pakikinig sa iba. Sakop dito ang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid na pari. Nagbahaginan ng mga pagninilay at mga kuwento na makatutulong sa kanilang bokasyon. At panghuli, ang "Listening Beyond." Sa pagtuklas ng kanilang kalakasan sa bawat isa, natuklasan nila ang pag-asa kasama si Hesus, ang Mabuting Pastol. Natapos ang nasabing recollection sa pagyakap sa isa't-isa. Simbolo na kahit mayroon silang mga mabibigat na responsibilidad sa Diyosesis, sila pa rin ay magkakapatid.
Sa ganitong mga tagpo, ipinakikita ng mga kaparian ng Diyosesis ng Imus na nagsusumikap silang makinig at umagapay sa mga kapwa pastol at sa kanilang mga tupang pinapastulan. Sa kabila ng kanilang kahinaan bilang tao, patuloy ang pagsusumikap para maisakatuparan ang pangarap ng Diyosesis na maging sambayanang Kristiyano na maka-Diyos, makatao, makabuhay, makakalikasan, at makabayan; mga tunay na alagad ni Kristo at ng Simbahan ng mga Dukha na may pananagutan at pakikisangkot sa pinagpanibagong lipunan, sa tulong ni Maria, Birhen del Pilar.
Isinulat ni: John Gabriel Corpuz