INTRAMUROS, MAYNILA – Pinangunahan ng CBCP - Episcopal Commission on Vocations at ng Directors of Vocations in the Philippines ang pagbubukas ng National Vocation Month 2026 sa Intramuros, Maynila noong ika-31 ng Oktubre na may temang “LDR: Discovering God’s Gift Within: Called to Listen, Discern, and Respond.”
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng Banal na Misa sa pangunguna ni Most Rev. Roberto O. Gaa, D.D., Bishop-Chairman ng Episcopal Commission on Vocations, kasama ang mga vocation directors sa Katedral ng Maynila.
Nagkaroon din ng Vocation Walk mula sa Katedral ng Maynila patungong San Agustin Church. Samantala, isinagawa naman ang Program and Socialization sa Fr. Blanco’s Garden, San Agustin Church, na dinaluhan ng mga kalahok mula sa iba't ibang diyosesis at kongregasyon.
Nakiisa sa nasabing pagdiriwang ang mga vocation directors, lay collaborators, pari, madre, at mga seminarista. Kinagiliwan din ng mga dumalo ang mga mascot ng Diyosesis ng Imus na sina Fr. BokBok at Sr. Blessie.
Naging paalala ang pagbubukas ng National Vocation Month 2026 sa patuloy na pagpapalalim ng kamalayan at pagpapayabong ng bokasyon bilang tugon sa tawag ng Diyos, upang higit na makilala, mapakinggan at masundan ang Kanyang kalooban.