Catholic Health Care Summit Luzon 2026, Matagumpay na Ginanap sa Sta. Rosa, Laguna

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Catholic Health Care Summit Luzon 2026, Matagumpay na Ginanap sa Sta. Rosa, Laguna

November 06, 2026 by Diocesan Media

STA. ROSA, LAGUNA — Matagumpay na isinagawa ang Catholic Health Care Summit Luzon 2026 mula Nobyembre 3 hanggang 5, 2026 sa Paseo Premiere Hotel, Sta. Rosa, Laguna. Ang nasabing mahalagang pagtitipon ay pinangunahan ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines - Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC).

Sa temang "Healthcare for All: Sustainability and Equity," na hango sa Salita ng Diyos mula sa Ebanghelyo ni San Juan 1:50 ("Makakakita ka ng mas dakilang mga bagay kaysa rito..."), binigyang-diin sa summit ang kahalagahan ng pagbibigay ng patas, makatarungan, at napapanatiling serbisyong pangkalusugan para sa lahat, lalo na para sa mga mahihirap at nangangailangan. Ipinaalala ng naging tema ng pagtitipon na sa kabila ng mga hamon sa sektor ng kalusugan, ang Simbahan ay patuloy na tinatawag upang maging instrumento ng mas dakilang pagpapagaling, pag-asa, at pagkalinga ng Panginoon.

Dinaluhan ang tatlong araw na gawain ng mahigit 25 na diyosesis mula sa buong Luzon. Pinangunahan ang pagtitipon ni Bishop Reynaldo G. Evangelista, DD, Chairman ng CBCP-ECHC, kasama ang Executive Secretary ng komisyon na si Rev. Fr. Rodolfo Vicente "Dan" Cancino Jr., MI.

Nakiisa rin sa mahalagang summit na ito ang delegasyon mula sa Diyosesis ng Imus sa pamumuno ng Ministry Animator na si Rev. Fr. Michael Ceazar C. Dela Cruz, kasama ang dalawang volunteers mula sa Ministri sa mga May Karamdaman na sina Bro. Reuben C. Garcia (Pastoral Care Volunteer) at Bro. Guelmar Fabia (Pastoral Year Seminarian).

Ang matagumpay na pagpupulong ay nag-iwan ng panibagong sigla at layunin sa mga kinatawan ng bawat diyosesis upang patuloy na palakasin ang pastoral healthcare ministry sa kani-kanilang mga pamayanan.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6