Naganap noong Oktubre 28, 2026, sa St. Jude the Apostle Parish, Mambog, Bacoor City, Cavite, ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Judas Apostol na may temang "San Judas Apostol: Nakinig kay Jesus, Ginampanan ang Misyon,” sa pangunguna ni Rev. Fr. Bernardo Gacelo, ang Kura Paroko ng parokya.
Naging espesyal din ang pagdiriwang sa pagdalo ng mga panauhing pari na sina Rev. Fr. Teodoro Villanueva, Rev. Fr. Eric Orcullo, Rev. Fr. Christian Joseph Vales, Rev. Fr. Dominador Duroy, Rev. Fr. Jesus Nasinopa, at Rev. Fr. Leonardo Bagos.
Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Christian Joseph Vales ang homiliya, kung saan nagbahagi siya ng makabuluhang mensahe tungkol sa tunay na debosyon. Binigyang-diin niya na ang debosyon ay hindi lamang tungkol sa paghingi ng mga biyaya, kundi pati na rin sa pagtulad sa pananampalataya at katapatan ng mga banal. Inihalintulad niya ito kay San Judas Apostol, na tumugon sa tawag ni Kristo, at hinikayat ang mga mananampalataya na tumugon din sa tawag ng Panginoon at simulan ito sa kanilang sariling buhay.
Bago matapos ang Banal na Misa, nag-alay ng panalangin at insenso bilang pagpupugay kay San Judas Apostol, ang patron na pinararangalan sa nasabing pagdiriwang.