Diyosesis ng Imus at iba pang sektang Kristiyano, nakiisa sa Ecumenical Walk for Creation

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Diyosesis ng Imus at iba pang sektang Kristiyano, nakiisa sa Ecumenical Walk for Creation

October 06, 2026 by Diocesan Media

LUNGSOD NG TRECE MARTIRES, CAVITE — Lumahok ang Diyosesis ng Imus kasama ang iba't-ibang sektang Kristiyano na bahagi ng Cavite Ecumenical Movement (CEM) sa Ecumenical Walk for Creation noong Oktubre 3, Sabado, sa Lungsod ng Trece Martires.

Isinagawa ang pagtitipon bilang pagtatapos ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation 2026, na may paksang "Living Water," halaw mula sa aklat ni propeta Ezekiel (47:9, 12).

Ginanap ang sama-samang paglalakad bilang tanda ng pagkakaisa ng magkakaibang pananampalataya sa pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod ng kapayapaan. Layunin din nitong itaas ang kamalayan ukol sa kahalagahan ng tubig bilang biyaya ng Diyos at karapatan ng bawat tao.

Naunang nagtipon ang ating mga kapatid sa St. Jude Parish School para sa panimulang liturhiya bago ang ecumenical walk sa habang 4.1 kilometro. Nagkaroon ng apat na estasyon sa kahabaan ng paglalakad mula sa nasabing paaralan hanggang sa Parokya ng San Gregorio Magno sa Barangay Inocencio, Trece Martires, kung saan ginanap ang isang panata para sa kalikasan at ang pangwakas na liturhiya.

Nagpasalamat si Rev. Henry G. Eduarte, tagapangulo ng CEM, sa mga nakibahagi sa ecumenical walk.

"Ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga katiwala ng Diyos. Binabati ko ang bawat isa sa atin sapagkat kayo ay nanalangin, kumilos at, higit sa lahat, ay tumugon at patuloy na nagninilay mula sa boses ng kalikasan," ayon kay Rev. Eduarte.

Binigyang-pansin naman ni Rdo. Padre Ildefonso B. Diente Jr., priest-in-charge ng Office of Ecumenical Affairs at priest animator ng Ministri sa mga Maralitang nasa Kabite, ang misyong ipinagkatiwala ng Diyos sa bawat isa upang mangalaga sa Kanyang mga nilikha.

"Naipakita natin ang ating iisang misyon na mayroon tayo — na ipinagkaloob sa atin ng Diyos — as a local Church of different dominations: na pangalagaan ang kalikasan bilang mga katiwala ng ating common home," sabi ni Padre Diente.

Dumalo rin para sa ating Diyosesis ang Ministry on Ecology sa pangunguna ng priest animator na si Rdo. Padre Miguel R. Concepcion III, na nagpahayag ng paumanhin para sa mga kasalanan ng tao sa sangnilikha. 

"O Sangnilikha, patawarin mo kami. Ngunit huwag mong hayaang matapos sa paghingi ng tawad lamang ang aming pagsisisi. Turuan mo kaming magbago...[at] mamuhay nang simple at payak. Turuan mo kaming gumamit nang hindi nagsasayang. At higit sa lahat, turuan mo kaming magmahal... sapagkat ang tunay na pangangalaga... ay nagsisimula sa puso," sabi ni Padre Concepcion.

Nakiisa sa ecumenical walk ang mga kinatawan ng Caritas Imus, ilang piling parokya, at mga mag-aaral mula sa St. Gregory Academy sa Indang. Kasama rin sa pagtitipon ang ating mga kapatid mula sa Upland Cavite Conference at Lowland Cavite South Manila Conference ng UCCP, gayundin ang Old Roman Catholic Church, Catholic Church of the East, Union Theological Seminary, at Cavite Green Coalition.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6