Diyosesis ng Imus, nagdiriwang ng ika-65 taon

by Diocesan Media

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Diyosesis ng Imus, nagdiriwang ng ika-65 taon

November 25, 2026 by Diocesan Media

LUNGSOD NG IMUS, CAVITE — Nagsama-sama ang mga pari, relihiyoso at lingkod-layko sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar (Katedral ng Imus) ngayong Nobyembre 25, Miyerkules, upang ipagdiwang ang ika-65 taon ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Imus.

Pinangunahan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, Obispo ng Imus, at mga kasamang pari ang Banal na Misa na ginanap sa katedral kaninang ika-9:30 ng umaga.

Ipinaalala ng Obispo Evangelista sa kanyang homiliya ang dahilan ng pagdiriwang. Tinukoy niya ang mga biyaya ng Diyos sa Simbahang lokal sa Cavite.
"Animnapu't-limang taon ng kabutihan at mga biyaya ng Diyos ang dahilan ng ating pagpapasalamat. Animnapu't-limang taon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita o ebanghelisasyon, pagmamalasakit sa mga nangangailangan nating mga kapatid, [at] sa ating mga sambayanan sa pamamagitan ng iba't-ibang ministries," sabi ng obispo.

Nagpasalamat ang obispo sa lahat ng mga pari, consecrated persons, relihiyoso at mga layko na nagbabahagi ng kanilang karisma at paglilingkod mula nang itatag ang Diyosesis hanggang sa kasalukuyan. Ginunita niya ang mga nagawa ng mga pari at iba pang lingkod na sumakabilang-buhay na.

Inalala rin ni Obispo Evangelista ang ginawang pagpapastol sa Diyosesis ng mga obispong naunang nanungkulan sa kanya. Kabilang dito ang Lubhang Kgg. Artemio G. Casas (1962–68), Lubhang Kgg. Felix P. Perez (1969–92), Lubhang Kgg. Manuel C. Sobreviñas (1993–2001) at ang Kanyang Kabunyian, Luis Antonio G. Cardinal Tagle (2001–11), na ngayon ay dekano ng College of Cardinals at pro-prefect ng Dicastery for Evangelization ng buong Simbahang Katoliko.

Binigyang-diin ni Obispo Evangelista ang kahalagahan ng pangarap ng Diyosesis bilang gabay nito sa direksyong tatahakin habang naglalakbay upang "maging sambayanang Kristiyanong maka-Diyos — makatao, makabuhay, maka-kalikasan at makabayan — mga alagad ni Kristo at Simbahan ng mga Dukha na may pananagutan at pakikisangkot sa pinagpanibagong lipunan sa tulong ni Maria, Birhen del Pilar."
Sinariwa rin ng obispo ang mga ginanap na pagtitipon ngayong 2026 na bahagi ng Taon ng Pakikinig sa buong Diyosesis, na aniya ay mahalagang bahagi ng paglalakbay ng bayan ng Diyos.
"Sinikap nating pakinggan ang tinig ng Diyos, ng ating sambayanan, maging ng ating mga sarili, ng ating puso, para maiakma natin ang ating buhay-pastoral bilang isang Diyosesis. Mahalaga ang makinig. Mahalaga ang Taon ng Pakikinig ngayong 2026," ayon sa obispo.

Sa huli, nanawagan ng panalangin si Obispo Evangelista upang magampanan niya ang kanyang mga tungkulin bilang punong pastol ng Diyosesis ng Imus.
"Ito ang palaging umaalingawngaw sa akin sa aking pananalangin, sa aking kalooban: Sisikapin ko, buong kapakumbabaan, sasamahan kayong lahat sa ating paglalakbay sa diwa ng pag-ibig. Ipanalangin din po n'yo ako palagi kung paano ko kayo ipinagdarasal. Hindi madali ang nakaatang sa aking mga balikat, sapagkat napakalaki na ng ating Diyosesis," sabi niya.

Nakiusap din ang obispo sa mga pari na magtulungan, magkaisa, mag-alalayan at ipanalangin ang bawat isa sa ngalan ng pag-ibig ng Diyos para sa sambayanan.
"Hindi madali ang atas na gawain na ating tinanggap. Sadyang hindi madali ang magpalaganap ng kaharian ng Diyos. Hindi madali ang manindigan sa tama at totoo. Hindi madali ang unahin ang kapwa [at] ang pangangailangan ng sambayanan, lalo na sa diwa ng malasakit at pag-ibig. Hindi ito madali, pero palagi, may biyaya ang Diyos para sa ating lahat," ayon sa obispo.

Hinikayat din ni Obispo Evangelista ang lahat na paghandaan ang Diamond jubilee o ika-75 anibersaryo ng Diyosesis sa taong 2036.
"Nasa ating pagdarasal at pagkilatis: Ano ang nais ng Diyos sa atin sa susunod na 10 taon? Sana magkasama-sama tayo para sa ating inaasam na malaking pagdiriwang na ito para sa ating Diocese," ayon sa obispo.

Itinatag ang Diyosesis ng Imus noong Nobyembre 25, 1961, sa bisa ng apostolic constitution na Christi Fidelium ni Papa Juan XXIII, na isa nang ganap na santo. Sakop ng noo'y bagong tatag na diyosesis ang buong lalawigan ng Cavite, na ihiniwalay mula sa Arkidiyosesis ng Manila.

Itinakdang maging patrona ng buong Diyosesis ang Nuestra Señora del Pilar de Imus.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6