CAVITE — Lumahok ang mga miyembro ng Diocese of Imus Ministry on Ecology (DIMEc) sa Green State of Nature Assessment (Green SONA) na ginanap noong Setyembre 23, 2026 sa Cavite State University International Convention Center.
Ang kumperensya ay isang multi-sectoral gathering na naglalayong talakayin ang kalagayan ng kapaligiran sa bansa at tukuyin ang mga kolektibo at praktikal na hakbang tungo sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa pamahalaan at iba't ibang ahensya, akademya at mga mananaliksik, civil society at environmental organizations, community advocates, private sector, at faith-based groups. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang sustainable water management, river-basin quarrying, Pax Silica, epekto ng renewable-energy structures sa biodiversity, nature-based solutions, offshore mining, solid waste management, hazardous chemicals sa plastics, at partisipasyon ng mga komunidad sa pagpapatupad ng environmental laws.
Sa pamamagitan ng Green SONA, nabibigyang-daan ang pagkakaisa ng iba't ibang sektor upang pag-usapan ang mga lokal at rehiyonal na suliraning pangkapaligiran kaugnay ng mas malawak na hamon sa sustainability ng bansa.
Kinatawan ng DIMEc sa programa si Rev. Fr. Miguel Reyes Concepcion III, DIMEc Priest Animator, na naghatid ng closing remarks. Sa pamamagitan ng pakikilahok na ito, muling ipinakita ng DIMEc ang papel ng Simbahan bilang katuwang sa pagsusulong ng ecological responsibility at pangangalaga sa ating common home.
Bilang resulta ng pagtitipon, bubuuin ang “Manifesto for a Sustainable Tomorrow,” na ipararating sa mga kaukulang institusyon at ahensiyang maaaring tumugon sa mga panawagan at resolusyon nito.
Sa diwa ng Season of Creation, patuloy na hinihikayat ang bawat sektor na makiisa sa pangangalaga sa kalikasan bilang pananagutan sa Diyos, sa kapwa, at sa ating iisang tahanan—ang mundong ating pinamumuhayan.