Tema: "Ang MBG nakikinig at naglalaang maglingkod sa Diyos at sa Simbahan."
Naganap noong ika-20 ng Hulyo 2026, ang pagdiriwang ng ika-32 Anibersaryo ng Mother Butler Guild ng ating Diyosesis sa Our Lady of Mount Carmel Church - Evo City, Kawit, Cavite. Dinaluhan ito ng mga kasapi ng Mother Butler Guild mula sa iba't ibang parokyang nasasakupan ng Diyosesis. Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Panalangin ng mga Kristiyano sa Umaga (Lauds) at Banal na Oras sa pangunguna ng kanilang Spiritual Director, Rdo. Padre Alvin Chavez, na sinundan ng Karakol ng MBG Council at ng mga Pangulo ng samahan.
Sa kanyang inspirational talk, ibinahagi ni Amb. Henrietta T. De Villa ang kahalagahan ng pag-alala sa tatlong identidad ng isang MBG: Servant Disciple of Jesus Christ, Handmaids of the Eucharist, at Housekeeper of the Lord. Ibinahagi rin niya ang isang linyang minsang narinig niya sa homiliya ng isang pari: "Ang mga MBG ay atsay lamang, ngunit ang mga Mother Butlers, atsay nga, ngunit atsay ng Panginoon ng langit at lupa."
Bilang pagtatapos, pinangunahan ng Obispo ng Diyosesis ng Imus, Lub. Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., ang Banal na Misa kasama ang ilang kaparian ng Diyosesis. Binigyang-diin niya sa kanyang homiliya na, "Ang tunay na paglilingkod sa Diyos ay bunga ng malalim na pakikinig sa Kanya. God is calling you to serve, but what you're doing is a response to God's call."
Nawa ang natatanging biyaya ng pagdiriwang na ito ay magsilbing inspirasyon, paanyaya, at paalala sa bawat isa ng tunay na paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang Simbahan.
Written by: Trisha Paulette Aron | Social Communications, Diocese of Imus