Mga katekistang Kabitenyo, dumalo sa Mass of the Holy Spirit

by Mark Anthony Gubagaras

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Mga katekistang Kabitenyo, dumalo sa Mass of the Holy Spirit

August 01, 2024 by Mark Anthony Gubagaras

LUNGSOD NG IMUS, CAVITE – Nagsama-sama ang mga katekistang lingkod sa buong Cavite para sa taunang Mass of the Holy Spirit na ginanap noong Hulyo 30 sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar (Katedral ng Imus). 

Napuno ang katedral ng mga katekista mula sa iba't-ibang parokya sa Diyosesis ng Imus upang muling magpasalamat sa Diyos sa pagsisimula ng isang bagong school year, gayundin upang hilingin sa Espiritu Santo ang biyaya ng gabay at karunungan para sa buong taon.

Nanguna sa Misa ang obispo ng Imus, Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, katuwang si Fr. Gilbert G. Villas, diocesan priest animator ng Ministri sa Katekesis, at iba pang mga kasamang pari.

Ibinahagi ni Bishop Evangelista sa kanyang homiliya ang pagninilay sa paksang "Ang Espiritu Santo at Pag-unlad ng Simbahan," kung saan niya sinariwa ang mga pangyayari sa unang araw ng Pentekostes nang pumanaog ang Espiritu Santo sa mga apostol sa anyo ng mga dilang apoy.

"Araw-araw, kumikilos ang Espiritu Santo sa atin. Kailangan natin ang Espiritu Santo bilang inspirasyon natin sa ating apostolate...para sa paglago ng sambayanan, ang Simbahan.  Kaya tama ang sinabi ni Origen: 'The life of the Church is perpetual Pentecost,'" ayon sa obispo.

Dagdag pa ni Bishop Evangelista, tayong lahat — mula sa Santo Papa hanggang sa mga katekista — ay nagtutulungan sa pagpapaunlad ng Simbahan gamit ang iba't-ibang karismang kaloob ng Diyos sa patnubay ng Espiritu Santo.

"The Holy Spirit is the principal agent of mission. Lahat tayo, tumanggap ng misyon sa Diyos noong tayo'y binyagan. Ano 'yung misyon? Ipalaganap ang ating pananampalataya. Bilang mga katekista, gaano na kaya karami ang inyong nailapit sa Diyos?" sabi ng obispo.

Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagpaalala si Fr. Villas sa mga katekista na simulan ang bagong taon ng pagtuturo sa pananalangin sa Espiritu Santo "upang palagi tayo maging masigasig sa pagtuturo, sa paglalapit sa mga tao sa ating Panginoong Diyos."

Inanunsyo rin ni Fr. Villas na ang kulay ng uniform ng mga katekista ay papalitan na ng bughaw o blue, mula sa kasalukuyang kulay na milokoton o peach. 

Samantala, nauna nang nagdiwang ng Mass of the Holy Spirit ang Diocese of Imus Catholic Educational System (DICES) noong Hulyo 19 sa Holy Family Parish sa Lancaster New City, Imus. (Maria Cristina V. Santos at Mark Anthony B. Gubagaras, Diocese of Imus SOCCOM)

#DioceseOfImus #SimBalita #MassOfTheHolySpirit2024 #MinistryOnCatechesis

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Build Version: v1.1.3