National Catechetical Month 2024, ipinagdiwang ng mga katekista ng Cavite
SILANG, CAVITE – Ipinagdiwang ng mahigit 1,300 katekista sa buong lalawigan ng Cavite ang National Catechetical Month 2024 noong ika-13 ng Setyembre sa Divine Mercy Parish, Biluso, Silang.
Ang tema para sa taong ito para sa lahat ng Pilipinong katekista ay “Praying Catechists: Pilgrims of Hope in Synodality towards the Implementation of Antiquum Ministerium.”
Malugod na pagbati ni Fr. Eric Orcullo, Kura Paroko ng Divine Mercy, ang sumalubong sa mga katekista ng buong diyosesis. Pagkatapos ng Banal na Rosaryo, Divine Mercy Chaplet at panalangin pambungad ng worship committee, nagsimula ang Banal na Misa Conselebrada na pinangunahan ni Most Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D. kasama si Fr. Gilbert Villas, ang priest animator ng ministri sa katekesis, at iba pang mga pari.
Sa kanyang homilya, ipinaalala ni Bishop Rey sa mga katekista na ipagdasal ang isa’t isa. “Let us pray for one other. Oremus pro invicem.” Idinadagdag pa ng butihing obispo, “Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Palaging dinidinig ng Diyos ang lahat ng ating panalangin, totoo yan, kahit tayo ay minsan masungit. Kung dinidinig ng Diyos ang panalangin ng bawat isa, lalo pa na dinidinig ng Diyos ang panalangin ng taong matuwid, hindi masama ang ugali…the power of the goodness of the person in prayer.”
Ayon pa kay Bishop Rey, idineklara ni Papa Francisco ang Year of Prayer ngayong taon 2024 bilang paghahanda sa darating na Year of Jubilee 2025. Ito ay upang mas paigtingin pa nating mga katekista ang ating buhay-panalangin.
Sa pagtatapos ng Banal na Misa, nagpasalamat si Fr. Gil Villas sa mga pari na patuloy na sumusuporta sa ministry, gayon din sa DMC staff sa kanilang pagpapagod para sa okasyong ito.
Nagbigay ng talk si Fr. Glenn dela Peña, ang priest collaborator ng ministri sa katekesis tungkol sa tema ng catechetical month. Binanggit ni Fr. Glenn na ang katekista ay hindi lamang sa mga sakramento nakatuon, bagkus ay binibigyan din ng panahon ang pagsasagawa ng katekesis para sa mga kasapi ng iba’t ibang ministri, komunidad at lay associations. Inugnay din nya ang kahalagahan ng sinodalidad sa gawain ng katekista. Kalakbay ang kapwa sa iba’t ibang istado ng buhay, iba’t ibang komunidad, hindi lamang ang matagal ng magkakasama, magkakaibigan, magkukumare. Hinamon nya ang mga katekista na basahin ng buong-buo ang isinulat ni Papa Franciso na Antiquum Ministerium.
Nagkaroon din ng pagkakataon marinig ang update mula sa dalawang dumalo sa Annual Meeting of Catechetical Ministers 2024 sa Jaro, Iloilo na ginanap noong Setyembre 9 - 12. Ayon sa kanila, sa pagpupulong na ito binigyan diin din ang mensahe ng Santo Papa sa Antiquum Ministerium at ang halaga ng pagkakaroon ng instituted catechists.
Sa huling bahagi ng catechetical celebration, pinagkalooban ng pagkilala o award ang mga 10, 20, 30 at 40 taon na sa pagmimisyon bilang katekista sa diyosesis. Plaque ang natanggap ng mga 40 years na sa pagiging katekista. Nagkaroon din ng tig-isang presentation ang episcopal district ng St. Luke at St. John, bilang intermission numbers.
Natapos ang pagdiriwang sa closing remarks at final blessing ni Fr. Gil Villas.
(Larawang kuha ng Divine Mercy Parish SocCom)
#DiyosesisNgImus
#MinistriSaKatekesis
#MinistriSaPanlipunangKomunikasyon