Kumustahan at balitaan, isinagawa sa pulong ng Ministri sa mga Ingat-Yaman sa mga Parokya

by Mark Anthony Gubagaras

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Kumustahan at balitaan, isinagawa sa pulong ng Ministri sa mga Ingat-Yaman sa mga Parokya

August 04, 2024 by Mark Anthony Gubagaras

LUNGSOD NG IMUS, CAVITE – Nagkumustahan ang mga lingkod-layko sa larangan ng pananalapi at mga pag-aari ng simbahan sa unang pulong ng Ministri sa mga Ingat-Yaman sa mga Parokya noong Agosto 3 sa Bishop Felix Perez Pastoral Center, malapit sa compound ng Katedral ng Imus.

Pinangunahan ng priest animator na si Fr. Mark Anthony T. Reyes, ang pagtitipon ng 65 lider-layko, mga piling kasapi at kinatawan mula sa iba't-ibang parokya sa Diyosesis ng Imus upang balangkasin ang mga programa at piliin ang mga magiging lider ng nasabing ministri.

Matapos ang pambungad na panalangin, sumagot ang mga dumalo sa isang survey na naglalayong malaman ang kalagayan ng ministri sa antas ng parokya. Gagamitin ang mga mungkahing lumabas sa survey bilang batayan ng mga isasagawang pagsasanay at paghuhubog sa ministri.

Nagbahagi rin ang ilang mga miyembro ng ministri ng mga karanasan sa buhay-paglilingkod at "best practices" sa kani-kanilang mga parokya. Naging matingkad sa bahaginan ang proseso ng pagkalap, pagbibilang, pamamahala at pag-uulat ng pananalapi.

Ayon kay Rosalinda Sacluti ng Sto. Niño de Molino Parish sa Lungsod ng Bacoor, "Ang projects ng simbahan tulad ng repairs at mga dapat i-install ay ipinapa-approve sa [Parish] Finance Council para ma-account nang mabuti at magkaroon ng canvassing para ma-menos ang mga gastusin ng simbahan."

Ikinuwento rin ni Wena Quintin ng Holy Cross Parish sa Noveleta ang kanilang pledging system o pagbibigay ng regular na donasyon ayon sa kakayanan ng bawat isa. Aniya, "One year pa lang pero marami na kaming napagawa, dahil na rin sa mga generous sa bayan ng Noveleta."

Para naman sa San Jose Manggagawa Parish sa Gen. Mariano Alvarez (GMA), ibinahagi ni Hermie Macalalad na "nag-submit ng programa o plano ang aming Parish Finance Council na i-gather ang mga treasurer upang mabigyan ng orientation sa pag-handle ng cash disbursement at fund-raising [projects]."

Ayon kay Fr. Reyes, maghihintay pa ang ministri ng programa na ibababa ng Diocesan Finance Council upang matukoy ang mga takdang gawain nito.

"Ang mahalaga po ay mag-sumite tayo ng monthly report sa [Diocesan] Chancery. Isa sa mga idadagdag na gawain sa atin ay ang pag-inventory ng mga pagmamay-ari ng ating parokya na siyang ilalagay sa libro (Book of Inventory) ng simbahan," sabi ng pari.

Nagkaroon din ng pagkikilanlan ang mga dumalo sa bawat bikaryato upang mapili ang mga tukoy na tao na dadalo sa mga susunod na pagpupulong ng ministri. Tungkulin din ng mga napiling kinatawan na ibaba ang mga napag-usapan mula sa antas ng Diyosesis tungo sa kani-kanilang mga bikaryato.

Sa pagtatapos ng pulong, sinabi ni Fr. Reyes sa mga dumalo na dapat silang maging transparent sa kanilang gawain sapagkat "ang Simbahan ay laban sa mga anomalya." Hinikayat din niya ang mga kasamang lingkod sa ministri sa bawat bikaryato na maging aktibo sa paglilingkod.

"Ano ba itong mga gawain ng ating ministri? Ang naiisip ko: Tayo ay nasa pagitan ng langit at lupa. Hawak natin itong mga temporalities — mga bagay na maka-mundo. Pero dapat gagamitin natin ang mga bagay na maka-mundo para sa mga bagay na maka-langit," ayon sa pari. (Noel M. Orcullo at Mark Anthony B. Gubagaras, Diocese of Imus SOCCOM)

#DioceseOfImus #MinistriSaMgaIngatYamanSaMgaParokya #FirstMeeting

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Build Version: v1.1.3