Isinagawa ang isang Flores de Mayo Conference sa pangunguna ng Ministry on Popular Religiosity and Devotion nitong Sabado, Mayo 16, sa Our Lady of the Pillar Seminary Gymnasium sa Buhay na Tubig, City of Imus, Cavite. Pinangunahan ito ng panauhing tagapagsalita na si G. Michael Delos Reyes.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang kinatawan o delegates mula sa mga parokya ng ating Diyosesis.
Tinalakay sa pagpupulong ang kasaysayan ng buwan ng Mayo at ang iba’t ibang panahon na nararanasan sa bawat taon. Ipinaliwanag na ang buwan ng Mayo ang kauna-unahang pagdiriwang ng tagsibol at tag-init.
Ayon sa kasaysayan, kilala noon ang Santa Cruz de Mayo kung saan ang pinakapuso ng pamimintuho ay ang pagsamo para sa masaganang ani at paghingi ng pangangalaga sa mga bulaklak laban sa anumang pinsala upang mamunga nang sagana. Ipinaliwanag din na ang salitang “Sagala” ay nagmula sa salitang “Zagala” na nangangahulugang dalaga o dalagita.
Ipinabatid din ang kahalagahan at kasaysayan ng mga kabilang sa hanay ng mga sagala, gayundin ang mga simbolong kanilang taglay o dala. Isinama rin sa talakayan ang ilang mungkahing maaaring idagdag sa pagsasagawa ng Santacruzan, gaya ng mga instrumento ng Pasyon ni Hesukristo na maaaring dalhin ng mga sagala.
Ipinaliwanag din ng tagapagsalita ang kaibahan ng Santacruzan at Flores de Mayo. Sa Santacruzan, ang pangunahing tampok ay ang Banal na Krus at higit na binibigyang-pansin ang mga simbolong may kaugnayan sa pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo. Samantala, sa Flores de Mayo naman ay ang Mahal na Birheng Maria ang sentro ng debosyon. Binigyang-diin din na hindi maaaring paghaluin o pagsamahin ang dalawa sapagkat magkaiba ang pokus at diwa ng mga ito.
Sa bandang huli, ipinaalala rin ni Rdo. Padre Marcy Convento na isinasagawa ang ganitong uri ng mga pagpupulong upang maitama at mapalalim ang kaalaman tungkol sa mga aktibidad at tradisyong isinasagawa sa ating mga parokya na may kaugnayan sa debosyon at pananampalataya. Dagdag pa niya, hindi lahat ng matagal nang nakasanayan ay tama.
Bilang pangwakas, ipinahayag na mahalaga ang ganitong uri ng conferences at pagpupulong upang higit na mapalalim at mapagyaman ang kaalaman ng mga mananampalataya tungkol sa ating mga debosyon, tradisyon, at pananampalatayang Katoliko. Sa pamamagitan nito, mas napapanatili ang tamang diwa at mga alituntunin sa pagsasagawa ng mga tradisyong panrelihiyon, habang patuloy namang napayayaman at naipapasa ang mga ito sa susunod na salinlahi ng Simbahan.
Isinulat ni: Trisha Paulette Aron | Social Communications, Diocese of Imus