ROSARIO, CAVITE (Oktubre 9, 2025) — Opisyal nang ginawaran ng canonical coronation ang imahen ng Nuestra Señora del Santisimo Rosario, Reina del Caracol, sa Banal na Misang ginanap sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Most Holy Rosary – Reina del Caracol sa bayang ito.
Pinangunahan ng Lubhang Kgg. Charles John Brown, apostolic nuncio sa Pilipinas, at ng Lubhang Kgg. Reynaldo Evangelista, obispo ng Imus, ang koronasyong pontipikal ng imahen ng Mahal na Birhen.
Bago ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Ina, ikinabit sa kanyang imahen ang Banal na Rosaryo na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula, arsobispo ng Maynila, at ng Lubhang Kgg. Pedro Arigo, bikaryo apostoliko emeritu ng Puerto Princesa, Palawan.
Dinala sa altar ang Rosaryo at ang korona ng nina Rdo. P. Teodoro Bawalan, rektor at kura paroko ng dambana ng Reina del Caracol, at ni Rdo. P. George Morales, dating bikaryo heneral ng Diyosesis ng Imus at isa sa mga nagpatotoo ukol sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen.
Inihalintulad ni Archbishop Brown sa kanyang homiliya ang Karakol, ang tradisyonal na sayaw-panalangin ng mga taga-Rosario at ng mga mananampalatayang Kabitenyo, sa buhay nating mga Ka-indayog na sumasayaw ayon sa saliw ng tugtog ng biyaya ng Diyos.
"God's grace – God's love in Jesus – is God's music for us. We, in our lives, need to dance according to that music. We need to listen to the music of God, which is the grace and love of Jesus coming into the world through Mary, and in listening to that music, that Catholic music, our lives become a dance. We hear the music, and we dance," ayon kay Archbishop Brown.
Hinakayat din ng arsobispo ang ating mga Ka-indayog na gawing gabay at inspirasyon sa buhay ang musikang nagmumula sa Panginoon.
"Our lives become joyful...allowing God's music to inspire us so that our lives are not just trudging blindly through this world in drudgery and sadness, but we are walking in a beautiful way like a dance," ani Archbishop Brown.
Nagpasalamat naman si Bishop Evangelista sa pagdating ni Archbishop Brown sa Rosario upang pangunahan ang koronasyong pontipikal ng Reina del Caracol.
"This coronation affirms the enduring devotion of our people to our Blessed Mother and honors her as Queen and Intercessor, leading us to Christ. This historic celebration is the fruit of many years of faith and love, not only from Rosario [in Cavite] but from devotees across the country and abroad," sabi ng obispo.
Sa pagtatapos ng Misa, ipinagkaloob nina Fr. Bawalan at Bishop Evangelista ang isang replika ng imahen ng Reina del Caracol kay Archbishop Brown.
Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santisimo Rosario tuwing Oktubre 7. Ipinagkatiwala sa kanya ang pangangalaga ng Rosario, dating kilala bilang Salinas, nang itatag ito bilang isang parokya noong Oktubre 22, 1845, sa bisa ng dekreto ni Don Narciso Claverio, dating gobernador heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Kastila.
Ginagawa ang Karakol sa Rosario tuwing bisperas ng kapistahan ng Reina del Caracol, Oktubre 6, bilang pasasalamat ng ating mga Ka-indayog sa mga himalang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen. Inaalala rin sa kapistahan ang pagluluklok ng larawan ng Mahal na Ina ng mga tripulanteng mangangalakal na sinasabing galing Mindoro at patungong Maynila nang ligtas na nakadaong ang mga ito sa dalampasigan ng Muzon sa Rosario matapos ang isang malakas na bagyo noong Oktubre 22, 1831.
Bago ang Reina del Caracol, tatlo pang imahen ng Mahal na Birheng Maria na pinipintuho sa lokal na Simbahan ng Cavite ang naunang ginawaran ng canonical coronation. Kabilang sa mga ito ang Nuestra Señora del Pilar sa Imus noong 2012, Nuestra Señora del Pilar sa Lungsod ng Cavite noong 2018, at ng Nuestra Señora del Rosario de Fatima sa Binakayan, Kawit, nito lamang Mayo 2025.
(Larawan: Screengrab mula sa live stream ng canonical coronation sa TV Maria, sa pamamagitan ng Reina del Caracol Rosaryohan Facebook page)