Panahon ng Paglikha at Makakalikasan Month, binuksan ngayong Taon ng Hubileo 2025

by Ministry on Social Communications

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Panahon ng Paglikha at Makakalikasan Month, binuksan ngayong Taon ng Hubileo 2025

September 04, 2025 by Ministry on Social Communications

LUNGSOD NG TAGAYTAY, CAVITE — Tagumpay na naisakatuparan sa Diyosesis ng Imus ang pagsisimula ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation, kasabay ang pagtawid sa Makakalikasan Month, na may paksang "Jubilee of Ecology Ministers: Peace with Creation," noong Agosto 30, Sabado, sa SVD Laudato Si Farm sa lungsod na ito.

Ginanap ang pagdiriwang bilang bahagi ng patuloy na programa ng ating Diyosesis ngayong Taon ng Hubileo sa pangunguna ng Ministri sa Kalikasan (Diocese of Imus - Ministry on Ecology, o DIMEc) kasama ang kanilang priest animator, Reb. P. Miguel Concepcion III, at mga katuwang ng ministri mula sa iba't-ibang parokya.

Binuksan ang Panahon ng Paglikha sa anunsyo ng obispo ng Imus, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, sa ika-6:15 ng umaga, bago ibigay ang huling pagbabasbas sa Banal na Misang pinangunahan niya kasama si Padre Concepcion at mga kasamang pari mula sa ating Diyosesis at sa Society of the Divine Word (SVD).

Sinabi ni Bishop Evangelista sa kanyang pagbabahagi sa homilya na "nawawala ang kapayapaan dahil may mga abuses. Alagaan natin ang kalikasan. Kung bakit may abuses? Something wrong with our mind, with our heart. At saan nagmumula ang abuses na ito? Pera. Sa pera."

Bago ang Misa ay nag-umpisa ang programa sa ika-4 ng umaga sa pamamagitan ng isang maringal na prusisyon kasama ang orihinal at mapaghimalang imahen ng Serapikong Ama ng Malabon (ngayon ay Lungsod ng General Trias) na si San Francisco de Asis, mas kilala bilang "Tata Kiko" at kinikilala bilang Patron ng Ekolohiya.

Sinundan ang Banal na Misa ng pagsasalo sa isang munting agahan, at pagkatapos ay ang pamimigay ng DIMEc materials and resources, gayundin ang pagsusumite ng mga plano at programa ng bawat parokya para sa Panahon ng Paglikha. Nagbigay din ng keynote address sa makabuluhang programang ito si Asst. Prof. Jonathan "Ethan" Hernandez mula sa Department of Forest Biological Sciences ng College of Forestry and Natural Resources sa Unibersidad ng Pilipinas - Los Baños. 

Nagtapos ang programa sa sama-samang pag-indak ng Karakol ng mga nagsipagdalo sa diwa ng pananampalataya kaisa ang imahen ni San Francisco de Asis ng Malabon.

Maituturing na isang makabuluhang pagdiriwang ang naisagawa mula sa Kalikasan at para sa Kalikasan dahil kapit-bisig sa pananampalataya, pagkakaisa, at pagtindig ang buong Diyosesis ng Imus. Inaasahang magsisilbing halimbawa si San Francisco de Asis ng Malabon sa pangangalaga sa kalikasan dahil itinuturing ang bawat isa bilang pag-asa ng Bayan at ng Inang Kalikasan. (Ulat mula kay Binea Jeverly C. Antang, SOCCOM — Diocese of Imus)

_____________________

Visit our website and follow our official social media accounts:

Website: https://www.dioceseofimus.org/

Facebook: https://web.facebook.com/dioceseofimus

Jubilee 2025 Facebook page: https://www.facebook.com/Jubilee2025DioceseOfImus

YouTube: https://www.youtube.com/@dioceseofimus1961

#SeasonOfCreation2025 #MakaKalikasan2025 #Jubilee2025 #LakbayPagAsa #PilgrimsofHope #DioceseOfImus

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.3