Liwanag ng Pananampalataya, Sumiklab sa Kapistahan ni Sta. Candida

by Ministry on Social Communications

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Liwanag ng Pananampalataya, Sumiklab sa Kapistahan ni Sta. Candida

September 02, 2025 by Ministry on Social Communications

Sa masiglang pagdiriwang noong Agosto 9, 2025, sumiklab ang liwanag ng pananampalataya sa ika-5 taunang kapistahan ng Parokya ni Sta. Candida Maria de Jesus. Tampok sa selebrasyon ang Misa Concelebrada, Misa Pasasalamat, at isang maringal na prusisyon na nagpatibay sa ugnayan ng komunidad sa pananampalataya.


Dinaluhan ang mga aktibidad ng mga pari mula sa Diyosesis ng Imus at iba pang lugar, kasama ang mga organisasyon, chapel communities, at mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng komunidad.


Pinangunahan ni Lubhang Kagalang-galang Bishop Reynaldo G. Evangelista ang Misa Concelebrada, kung saan kaniyang ibinahagi:

“Tayo ay mga manlalakbay patungo kay Hesus, Siya ang ating destinasyon. Tayo ay mga manlalakbay na umaasa sa Diyos at kalakbay natin ang ating patrona, si Sta. Candida Maria De Jesus.”


Bilang pagtatapos ng misa, isinagawa ang pag-iinsenso sa imahe ni Sta. Candida, kasabay ng pag-awit ng himno para sa patrona at pagbibigay-pasasalamat sa lahat ng naging katuwang ng parokya sa matagumpay na selebrasyon.


Sa hapon, pinangunahan naman ni Rdo. Pd. Mayolene Joseph G. Mayola, kura paroko ng Parokya ni Sta. Candida Maria de Jesus, ang Misa Pasasalamat. Binigyang-diin niya ang taos-pusong pagpapahalaga sa mga naglilingkod sa parokya at sa patuloy na debosyon ng mga mananampalataya.


Sinundan ito ng isang maringal na prusisyon na umikot mula sa simbahan patungong Ciudad Nuevo Phase 4 at Phase 5, bago muling bumalik sa parokya. Matapos ang prusisyon, isinagawa ang panalangin at pag-iinsenso sa imahe ni Sta. Candida bilang hudyat ng pagsasara ng pagdiriwang.


Sa temang “Santa Candida: Kapanalig at Kalakbay ng mga Umaasa sa Diyos,” ang kapistahan ngayong taon ay nagsilbing paalala na sa gitna ng bawat paglalakbay at pagsubok, patuloy na nagniningning ang liwanag ng pananampalataya sa gabay ng mahal na patrona. 


 (Ulat ni Jharmella H. Bartiana. Mga piling larawan mula sa MPK ng Sta. Candida de Jesus.) 

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.3