Bibigyang-pansin ang mga prusisyong ginaganap sa mga Mahal na Araw sa isang conference na inorganisa ng Diyosesis ng Imus, sa pangunguna ng Ministry on Popular Piety on Devotion katuwang ang Diocesan Formation Office.
Gaganapin ang pagtitipon na pinamagatang "PRUSISYON: Theological and Pastoral Considerations of Holy Week Processions" sa Pebrero 22, Sabado, sa Parokya ng San Martin de Porres sa Andrea Village, Lungsod ng Bacoor, at sa Marso 22, Sabado, sa Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng La Salette sa Biga II, Silang.
Layunin ng seminar na tulungan ang mga dadalo na higit na mapalalim ang kanilang pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga prusisyong ginaganap tuwing Semana Santa, lalo na sa larangang pastoral at teolohikal, upang mapanatiling buháy ang mga banal na tradisyong ito na mahalagang bahagi ng ating pagiging Kristiyano.
Tampok sa pagtitipon ang panauhing magsasalita na si Michael delos Reyes, isang manunulat at dalubhasa sa edukasyon na nagtapos ng master's degree sa theology sa Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila University noong 2004.
Hinihiling sa mga parokya na ipasa ang listahan ng kanilang mga ipadadalang kalahok sa conference bago o sa Pebrero 15 para sa pagtitipon sa Bacoor at bago o sa Marso 15 para sa pagtitipon sa Silang. Ipababatid ang mga detalye ukol sa pre-registration sa pamamagitan ng iba't-ibang bikaryato sa buong diyosesis. (Mark Anthony B. Gubagaras, SOCCOM-Diocese of Imus; larawan mula sa cover photo ng aklat ni Michael delos Reyes, ang "Prusisyon: Paghahanda at Pagdiriwang")