Naganap ang Ikalawang bahagi ng Lay Liturgical Ministries Coordinators' Assembly ng Ministry on Liturgy ng ating Diyosesis, noong Marso 15, 2025, Sabado sa Casas Hall, Bishop’s Residence, Imus Cathedral Compound, Lungsod ng Imus.
Sa unang bahagi ng pagpupulong (8:00–11:00 AM), nagtipon ang mga Coordinators at kinatawan ng Ministry of Extraordinary Ministers of Communion mula sa iba't ibang parokya. Bago ang pagbabahaginan, nagbigay ng paalala si Reberendo Padre Ashpaul Castillo, Priest Animator ng Ministri sa Liturhiya, tungkol sa mga tungkulin ng mga Lingkod sa Liturhiya, alinsunod sa nakasaad sa Diocesan Pastoral Priorities for Evangelization (DPPE). Sinundan ito ng talakayan kung saan malayang nagbahagi ng karanasan at saloobin ang mga lingkod mula sa iba't ibang bikaryato, na may diin sa pakikinig at pagbabahagi sa espiritu ng sinodalidad.
Bago matapos ang pagpupulong, nagbigay ng mensahe ang ating Obispo, Lubhang Kagalang-galang Reynaldo Evangelista, upang magpaalala at magbigay inspirasyon sa mga lingkod. Pagkatapos nito, ibinahagi ng mga naatasang kinatawan ang buod ng kanilang talakayan mula sa kanilang mga ka-bikaryato.
Sa ikalawang bahagi (1:00–4:00 PM), dumalo naman ang mga Coordinators at kinatawan ng Ministry of Church Greeters and Collectors. Sa kanilang Spiritual Conversation, ibinahagi nila ang kanilang karanasan at saloobin sa paglilingkod sa kani-kanilang parokya. Bagamat may pagkakaiba sa pananaw, ipinamalas nila ang kahalagahan ng pakikinig at pagbubukas ng isip sa mga ideya ng iba, habang isinasaalang-alang ang paggabay ng Espiritu Santo.
Samantala, kahit natapos na ang Liturgical Ministries Coordinators' Assembly, magpapatuloy ang iba pang pagpupulong para sa mga lingkod sa liturhiya. Layunin nitong higit pang mapaunlad at mapabuti ang kanilang paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan. Kasabay nito, sinisimulan na rin ang pagtatalaga ng Vicarial Coordinators o Representatives upang mapabilis at mas epektibong maipasa ang mga pabatid at mahahalagang impormasyon sa buong Ministri.