LUNGSOD NG BACOOR, CAVITE — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Bible Sunday (Enero), nagbigay ang Diocese of Imus Biblical Apostolate (DIBA) ng facilitators' training para sa Pagpapakilala sa Bibliya (PSB) noong Enero 25 sa Parokya ng San Lorenzo Ruiz, Aniban, sa lungsod na ito.
Umabot sa 50 lingkod-simbahan ang pinili at dumalo sa pagsasanay.
Pinangunahan ang pagdiriwang at paghuhubog ni Rdo. P. Reymar Arca, kura paroko ng San Lorenzo Ruiz Parish at kasalukuyang priest-animator ng DIBA, kasama ang DIBA core group.
Naka-sentro ang pagtitipon sa paksa ng Bible Month na "God's Word: Source of HOPE, Harmony, Obedience, Peace, Empowerment." Kinakatawan ng acronym na HOPE ang mga katangiang idinudulot ng Salita ng Diyos sa ating buhay: ang pagkakaisa (Harmony), pagsunod (Obedience), kapayapaan (Peace) at pagkakatuwang (Empowerment).
Sa pinakitang pagpupursige at dedikasyon ng mga dumalo, naging matagumpay at makahulugan ang gawaing ito. Inaasahang magiging kasapi ng DIBA workforce ang mga nagsanay upang tumulong na magpalaganap ng mga paghuhubog ng PSB sa iba't-ibang bikaryato o parokya. (Maria Cristina V. Santos, SOCCOM-Diocese of Imus; photo grab mula sa Facebook page ng DIBA, https://www.facebook.com/profile.php?id=100064260027053)