ZARAGOZA, SPAIN — Nagkaloob ang Diyosesis ng Imus noong Pebrero 15 ng isang manto o mantle para sa imahen ng Nuestra Señora del Pilar na nakadambana sa basilikang inihandog sa kanya sa bansang Espanya.
Pinangunahan ang rito ng pagtanggap sa manto ng delegasyon ng ating Diyosesis sa pangunguna ng ating obispo, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., katuwang sina Rdo. Padre Mark Anthony T. Reyes at Rdo. Padre Ryan Serafin P. Sasis.
Sinundan ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa main chapel ng Basilika ng Nuestra Señora del Pilar.
Bilang pasasalamat, nagkaloob ang basilika sa ating Diyosesis ng isang poster ng larawan ng Birhen del Pilar mula sa ika-19 na siglo.
Ipinapalibot ang manto bilang pantakip sa haliging tinutuntungan ng imahen ng Birhen del Pilar sa Espanya, isang tradisyong nagsimula noong ika-16 na siglo.
Kinikilala ng tradisyon ng Simbahan ang pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria, sa titulong Birhen del Pilar, kay Apostol Santiago noong Oktubre 12, taong 40, habang nangangaral sa Espanya. Sinasabing buháy pa at nasa Jerusalem, Israel, noong panahong iyon ang Mahal na Ina, kung kaya't itinuturing ito bilang halimbawa ng bilocation, o ang kakayahang makita sa dalawa o higit pang lugar sa parehong pagkakataon.
Binigyan ng pagkilala ang imahen ng Birhen del Pilar sa Espanya noong 1905 sa pamamagitan ng canonical coronation ng dating Santo Papa Pio X.
Laganap sa kasalukuyan ang debosyon sa Birhen del Pilar bilang patrona ng Espanya at ng mga bansang naimpluwensiyahan nito. Nakarating ang debosyon dito sa Pilipinas, kabilang na sa Cavite, kung saan ang isang imahen nito na dinala ng mga paring Augustinian Recollect noong ika-17 siglo ang nakadambana sa Katedral ng Imus. (Ulat at mga larawan mula kay Florence Y. Cagas, SOCCOM-Diocese of Imus)