Kabataan mula sa Diyosesis ng Imus, nakibahagi sa National Youth Day 2025 sa Cáceres

by Ministry on Social Communications

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Kabataan mula sa Diyosesis ng Imus, nakibahagi sa National Youth Day 2025 sa Cáceres

June 21, 2025 by Ministry on Social Communications

NAGA CITY, CAMARINES SUR (Hunyo 10–14) — Tagumpay na nakibahagi ang halos 100 kabataang delegado mula sa Ministri sa Kabataan ng Diyosesis ng Imus sa pagdiriwang ng National Youth Day (NYD) 2025 sa Arkidiyosesis ng Cáceres, na may paksang hango sa Roma 12:12: "Rejoice in hope, endure in affliction, persevere in prayer."

Naganap ang limang araw na pagtitipon sa iba't-ibang lugar sa lalawigan ng Camarines Sur, kabilang ang lungsod ng Naga, at mga bayan ng Nabua at Bato kung saan namalagi ang ating mga delegadong Ka-indayog sa kanilang mga foster families.

Tampok sa unang araw, na tinawag na Day of Encounter (Aldaw nin Encuentro), ang pagdating ng mga delegado at ang mainit na sinalubong ng sambayanan sa St. Jude Thaddeus Parish, Brgy. San Miguel, bayan ng Bato, sa pangunguna ng kanilang Kura Paroko na si Rdo. P. Leon N. Fajardo. Matapos ang registration, ipinakilala sila sa kanilang mga foster families. Kinagabihan ay nagdiwang ng Banal na Misa na pinangunahan ni Rdo. P. Ross Erwin Layugan, priest animator ng Ministri sa Kabataan ng ating Diyosesis. Pagkatapos nito ay nagtungo na ang mga delegado sa kanilang tutuluyang tahanan kasama ang kani-kanilang foster family kung saan nagkaroon ng family liturgy, isang panalanging sama-samang isinagawa bago sila nagsalo-salo sa hapunan. 

Ang ikalawang araw ay ang Day of Communion (Aldaw nin Communion). Nagsimula ang umaga sa parish encounter kung saan higit pang nakilala ng mga kabataan ang kasaysayan ng isang bagong tatag na parokya, ang St. Jude Parish. Sinundan ito ng pagtungo ng buong grupo sa Naga City para isagawa ang tradisyunal na Traslacion ng mga pinipintuho sa Bicolandia, ang Divino Rostro (Holy Face of Jesus) at ang imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia, mula sa dambana nito patungong Naga Metropolitan Cathedral. Dito ginanap ang opening ceremonies ng NYD 2025, kasunod ang Banal na Misa na pinangunahan ni Lub. Kgg. Rex Andrew C. Alarcon, D.D., Arsobispo ng Cáceres, tagapangulo ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).

Sa ikatlong araw, ang Day of Formation (Aldaw nin Formacion), nagtipon ang mga delegado mula sa 18 arkidiyosesis at diyosesis na bumubuo sa Pueblo nin Kabootan sa Camarines Sur Polytechnic Colleges. Sinimulan ang araw sa Banal na Misa, na sinundan ng isang makahulugang pagninilay mula kay Rdo. P. Gem Norries S. Penetrante. Tinalakay ni P. Penetrante ang "kabootan" (kindness) bilang bokasyon ng bawat kabataan, isang mensaheng tumagos sa damdamin ng marami dahil sa pagiging totoo, relatable, at mulat sa tunay na kalagayan.

Sa hapon, naging abala ang bawat grupo sa paggawa ng video na nagpapahayag ng kanilang pananaw, talento, at pakikiisa sa layunin ng NYD. Puno ng kulay, musika, at kultura ang gabi sa isinagawang Cultural Night. Tampok dito ang mga pagtatanghal mula sa iba't-ibang diyosesis. Ang delegasyon mula sa Imus ay naghandog ng masiglang karakol dala ang imahen ni Nana Pilar sa saliw ng tugtugin ng Sto. Niño de Molino Drum and Lyre Corps. At dahil noon ay ang araw ng paggunita sa kasarinlan ng Pilipinas, tampok ang bandilang iwinagayway ng Diyosesis ng Imus. Kamangha-manghang ang lahat ay bumaling sa natatanging bandilang iyon bagamat nasa gilid. 

Sa ikaapat na araw, ang Day of Pilgrimage (Aldaw nin Peregrinacion), inilapit ng mga aktibidad ang mga kabataan sa kultura, pananampalataya, at kabuhayan ng mga pamayanang Bicolano. Bumisita ang mga delegado sa iba't ibang lokal na kabuhayan gaya ng rice mill, pancit bato factory, bamboo shop, at maging sa tradisyunal na Dotoc, isang sinaunang anyo ng masiglang awit -pananalangin na tumatagal ng dalawang oras at naglalahad sa paghahanap ni Reyna Elena sa Krus ni Kristo.

Sa hapon ay isinagawa ang makabagbag-damdaming programang inihanda ng Ministri sa Kabataan bilang pasasalamat ng mga delegado sa kanilang mga foster families. Sa gitna ng pagbabahagi ng talento ng mga kabataan at pagbabahaginan ng karanasan, naging tahanan ang mga ngiti, at naging tunay na pamilya ang mga dating hindi magkakakilala. 

Lubos ang pasasalamat ng delegasyon sa buong pamayanang tumanggap sa kanila, sa pagbubukas ng simbahan at puso sa mga panauhin. Gayundin, taos-pusong pinasalamatan ang mga volunteers at ang buong sambayanang Bicolano na naghandog ng pagkalinga, pag-unawa, at pagmamahal sa bawat kabataan.

Pagkatapos ng programa, nagsama-sama muli ang mga delegado sa Banal na Misa bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang natanggap, at pagkatapos nito ay nagtungong muli sa National Shrine of Our Lady of Peñafrancia para sa Vigilia nin Paglaom. Magdamag na inaliw ang mga kabataan ng mga cultural presentations mula sa iba’t-ibang diyosesis at arkidiyosesis. Tampok din dito ang masayang pagbabahagi ng social media influencer na si Romar Chuca, na kilala sa rin sa taguring "The Catholic Comedian." Ang gawain ay nagtapos sa pagtatanghal at bendisyon ng Santisimo Sakramento at pagdarasal ng Banal na Rosaryo.

Sa huling araw ng NYD Cáceres 2025, o ang Day of Mission (Aldaw nin Mision), ang Banal na Misa. ay pinangunahan ni Lub. Kgg. Rolando J. Tria Tirona, OCD, D.D., arsobispo emerito ng Cáceres at nagsilbing makabuluhang pagtatapos ng limang araw na paglalakbay ng pananampalataya at pag-asa.

Bago ang pagdiriwang ng Misa, inanunsyo ni Arsobispo Alarcon na ang National Conference of Youth Ministers ay gaganapin sa Diyosesis ng Kidapawan sa Agosto 18–22, 2026. Inilahad rin niya na idaraos ang susunod na pagdarausan ng NYD sa 2028 ay ang Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro.

Sa pagtatapos ng NYD Cáceres 2025, bitbit ng mga delegado ang mga aral ng kabootan at pag-asa sa kanilang biyahe pabalik sa Cavite at naglalayong maibahagi din ito sa kapwa kabataan sa Diyosesis ng Imus. (Ulat ni Mira Kristel Pasadas, katuwang na pinuno ng Communications Committee, Diocesan Youth Ministry; larawan mula kay Jeffrey Parangue at sa DYM Communications Committee)

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.3.1