Caritas Imus, Kaisa sa “Tindig Kalikasan” Forum para sa Maka-Kalikasang Halalan 2025

by Jon Augustin T. Lazaro

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Caritas Imus, Kaisa sa “Tindig Kalikasan” Forum para sa Maka-Kalikasang Halalan 2025

April 25, 2025 by Jon Augustin T. Lazaro

 

MANILA – Lumahok ang Caritas Imus sa town hall forum na pinamagatang “Tindig Kalikasan: A Town Hall Forum on the Green Agenda for the 2025 Midterm Elections” noong Abril 24, 2025 sa Pardo Hall, ika-5 palapag ng Henry Sy Sr. Building sa De La Salle University, Manila. 

Layunin ng pagtitipon na isulong ang 11-Point Green Agenda 2025, isang adbokasiya para sa hustisyang pangkalikasan at pagpili ng mga kandidatong may konkretong plano para sa kapaligiran. 

 
Ang forum ay inorganisa ng Caritas Philippines, Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI), Lasallian Justice and Peace Commission – DLSU, Living Laudato Si' Philippines, Alyansa Tigil Mina (ATM), at ng EcoWaste Coalition


Binigyang-diin ng mga organizers na mahalagang isaalang-alang ang environmental track record ng mga kandidato bilang bahagi ng responsableng pagboto.

Ipinakilala sa forum ang mga senatorial at partylist candidates na naghain ng kanilang programa para sa green agenda. Kabilang sa mga senatorial candidates na dumalo ay sina Jerome Adonis, Jocelyn Andamo, Ernesto Arellano, Roberto Ballon, Roy Cabonegro, Angelo De Alban, David D’Angelo, Norman Marquez, at Sonny Matula. Samantala, kabilang naman sa mga partylist na dumalo ay ang 101 Health Workers Partylist, ARISE Partylist (167), Pambayang Magsasaka, Magdalo Para sa Pilipino Partylist, Bayan Muna Partylist, at Kabataan Partylist.

Kabilang sa mga dumalo ay ang Caritas Imus Team kasama ang Lay Coordinator ng Ministri sa Kalikasan. Ayon kay Isette Morano ng Caritas Imus, mahalagang marinig mismo mula sa mga kandidato ang kanilang pananaw at plano para sa kalikasan.
 

“Maganda ang forum na ito dahil nalalaman natin kung ano ang paninindigan nila para sa kapaligiran. May ilan na may malinaw at makabuluhang plano para sa bansa, pero may ilan din na hindi gaanong malinaw ang layunin. Meron namang halos pareho lang ng pananaw. Sa kabuuan, mahalaga ito basta sana ay panindigan nila ang mga pangako nila para sa kalikasan,” ani Morano.

 
Ang Tindig Kalikasan ay bahagi ng mas malawak na layunin ng simbahan at ng mga people's organizations na isulong ang mga lider na may malasakit sa kapaligiran at sa mga sektor na madalas naaapektuhan ng environmental degradation.

Sa nalalapit na Halalan 2025, panawagan ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan: Isulong ang Green Agenda. Bumoto para sa Kalikasan.
 

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.2.8