LUNGSOD NG IMUS, CAVITE - Naganap ang unang batch ng Liturgical Conference on Lent and Easter noong Marso 25 sa St. Joseph the Worker Chapel, Malagasang, Lungsod ng Imus. Dinaluhan ito ng 146 na lingkod mula sa mga parokya sa kapatagan o mababang bahagi ng Cavite (lowland).
Layunin nitong bigyang-linaw ang liturhikal na alituntunin at tamang pagsasagawa ng mga pagdiriwang mula Kuwaresma hanggang Pasko ng muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
Ang unang panayam na ibinahagi ni Rdo. Padre Ashpaul Castillo ay nakatuon sa Liturgical Notes and practices sa mga gawain sa simbahan mula Kuwaresma hanggang Linggo ng Palaspas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsunod sa itinakdang tuntunin ng Liturhiya at ang pagbabahagi nito sa iba upang maitama ang mga hindi wastong nakagawian.Kasunod ng unang panayam ay nagbigay ng mensahe ang ating Obispo, Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, na nagpaalala sa mga kalahok na isa-isip at isapuso ang natutunan upang maayos at malinaw itong maibahagi sa sambayanan.
Sa ikalawang panayam ipinaliwanag naman ni Rdo. Padre Reinier Dumaop ang mga tuntunin ng Triduo Paskwal, kabilang ang Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria. (The Sacred Paschal Triduum)Ang Ikatlo at huling bahagi ng panayam ay ibinahagi ni Rdo. Padre Roberto "Bobby" Capino, ang kanyang paksa ay naka-sentro sa pagdiriwang ng Pasko ng muling pagkabuhay. Ipinaliwanag niya ang mahahalagang bahagi ng Bihilya nito at ang kahalagahan ng iba't ibang simbolo sa pagdiriwang upang lalong mapalalim ang pagkaunawa ng mga mananampalataya.
Sa pagtatapos ng unang bahagi ng kumperensya, ipinabatid na ang pagtitipon para sa mga upland parishes ay isasagawa sa Abril 9, 2025, sa SK Hall ng Pandiyosesanong Dambana at Parokya ng Mahal na Birhen ng Candelaria sa Silang, Cavite. Inaasahang mas marami pang dadalo upang higit pang mapalalim ang kaalaman sa tamang pagsasagawa ng liturhikal na pagdiriwang sa Kuwaresma at Pasko ng muling pagkabuhay. (Isinulat at larawang kuha ni Trisha Paulette Aron, Ministry on SOCCOM, Diocese of Imus)