PAGBABAD SA TUBIG NA NAGBIBIGAY-BUHAY
'Saan man dumaloy ang ilog, lahat ay mabubuhay' (Ezekiel 47:9). [1]
Isang Liham Pastoral para sa Panahon ng Sangnilikha 2026
Sa mga kapatid na pari, mga relihiyoso at relihiyosa, mga laykong mananampalataya, mga pamilya,
kabataan, at lahat ng taong may mabuting kalooban sa Diyosesis ng Imus: Sumainyo ang biyaya at
kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesukristo!
Mga minamahal na kapatid,
Sa ating pagpasok sa Panahon ng Sangnilikha 2026, inaanyayahan natin ang buong Diyosesis ng Imus
na magnilay sa magandang pangitain ng propetang si Ezekiel: isang ilog na umaagos mula sa
santuwaryo at naghahatid ng kagalingan at buhay saan man ito dumaloy.[2]
“Saan man dumaloy ang ilog, lahat ay mabubuhay.” (Ezekiel 47:9).
Ang tema sa taong ito, 'Pagbabad sa Tubig na Nagbibigay-Buhay,' ay nagpapaalala sa atin na hindi
lamang tayo tinatawag na pagmasdan mula sa malayo ang Sangnilikha. Inaanyayahan tayong
lumapit sa ilog, magbabad dito, magbago ng perspektibo, at maging mga daluyan ng buhay.[3]
TAYO AY NABASA NA AT NAIBABAD NA
Bilang mga Kristiyano, alam natin ang kahulugan ng tubig. Sa Binyag, tayo ay inilubog kasama ni
Kristo sa Kanyang kamatayan at Muling Pagkabuhay at naging isang bagong nilalang.[4] Kaya nga
naman, ang pangangalaga sa Sangnilikha ay hindi isang opsyonal na gawain na idinadagdag lamang
sa ating pananampalatayang Kristiyano. Ito ay bahagi ng ating bokasyon bilang mga binyagang
Kristiyano.[5]
Kung tayo ay naibabad na kasama ni Kristo, marapat at magandang pagnilayan natin: Anong uri ng
buhay ang dumadaloy mula sa atin? Pasasalamat ba ang dumadaloy mula sa atin? Habag?
Katarungan? Pag-asa? O ang kawalang-pakialam, pag-aaksaya, at pagwawalang-bahala sa
Sangnilikha?[6]
Ang Sangnilikha ay kaloob ng Diyos, hindi natin ito pag-aari. Ang tubig na ating iniinom, ang lupang
nagbibigay sa atin ng pagkain, ang karagatan na nagbibigay-buhay sa ating mga mangingisda, ang
mga puno at kagubatang nangangalaga sa ating mga pamayanan—lahat ng ito ay mga kaloob na
ipinagkatiwala sa atin para rin naman sa kabutihan ng lahat.[7]
ANG TUBIG AY HINDI DAPAT MAGING SANHI NG PAGKASIRA AT PAGDURUSA
Ang tubig ay kaloob ng Diyos na nagbibigay-buhay. Ngunit kapag ang mga daluyan ng tubig ay nadudumihan, ang mga kanal at daluyan ng tubig ay nababaran, at ang mga ilog, latian, kagubatan, at mga watershed ay nasisira, ang tubig ay maaaring maging sanhi ng pagdurusa at pagkawasak.[8]
Ang paulit-ulit na pagbaha sa Cavite ay nagpapaalala sa atin na ang pangangalaga sa kalikasan ay dapat kaakibat ng responsableng pagsulong at pag-unlad, maayos na pamamahala sa baha, wastong pagtatapon ng basura, at pangangalaga sa ating likas na ekosistema.
Bilang Simbahan, tinatawag tayo hindi lamang upang tumulong sa mga naapektuhan ng baha at magbigay ng ayuda, bagama’t ito ay marapat maging gawain at kilos natin. Ngunit higit pa rito, bahagi ng ating misyon ang makipagtulungan sa mga pamayanan, mga namumuno sa lipunan, at iba’t ibang ahensiya sa paghahanap ng makatarungan, napapanatili, at nagbibigay-buhay na mga solusyon.[9]
PAKIKINIG SA DAING NG ATING MGA KABABAYAN
Para sa atin sa Cavite, ang mensahe ng tubig na nagbibigay-buhay ay may natatanging kahulugan. Nakita na natin ang pagtaas ng tubig sa ating mga pamayanan. Ang mga pamilya sa mabababang lugar at mga pamayanang baybayin ay nakaranas ng pagbaha, paglikas, pagkasira ng mga tahanan, at pagkaantala ng kanilang kabuhayan. Partikular na mabigat ang pasanin ng ating mga mangingisda at iba pang mahihinang sektor kapag nasisira at nadudumihan ang mga daluyan ng tubig, ilog, dagat, at iba pang bahagi ng kalikasan.[10]
Kaya hindi natin maaaring tingnan at banggitin ang tubig bilang isang magandang simbolo lamang mula sa Bibliya. Sa Taon ng Pakikinig, kailangan nating higit na pakinggan ang mga taong nagdurusa dahil sa tubig. Ang kanilang daing ay bahagi ng daing ng Sangnilikha at daing ng mga dukha.[11]
Tinatawag ang Simbahan na samahan ang mga sektor na nabanggit, hindi lamang sa panahon ng kalamidad, kundi maging sa paghahanap sa mas malalim na sanhi ng paulit-ulit na pagbaha at pagkasira ng kalikasan.[12]
Dapat nating suportahan ang responsableng pamamahala sa baha, wastong pagtatapon ng basura, pangangalaga sa mga daluyan ng tubig, ilog, latian, bakawan at watershed, at isang uri ng pag-unlad na kapwa gumagalang sa tao at sa Sangnilkha.[13] Ang ating pagtugon ay dapat maging pastoral at propetiko: paglilingkod sa mga nagdurusa at, kung kinakailangan, matapang na paninindigan at adbokasiya para sa kabutihang panlahat at para sa mga taong kadalasang hindi napapakinggan ang tinig at pahayag.[14]
ISANG DIYOSESIS, MARAMING SAPA AT ILOG, ISANG ILOG NA NAGBIBIGAY-BUHAY
Kaya hinihikayat natin ang bawat parokya, paaralan, pamayanang relihiyoso, pamilya, at mga ministeryo ng Simbahan na pag-isipan at kilatisin: Anong tubig na nagbibigay-buhay ang maaaring dumaloy mula sa atin?
Maaaring ang isang parokya ay manguna sa pagtitipid ng tubig. Ang iba naman ay maaaring tumulong sa pagpapanumbalik ng isang ilog o daluyan ng tubig. Ang isa ay maaaring maglingkod sa ating mga pamayanang baybayin.
Ang iba ay maaaring magbawas ng paggamit ng mga plastik na minsanang ginagamit. Ang iba naman ay maaaring magtanim at mangalaga sa mga puno. Ang iba ay maaaring magturo at humubog sa mga bata at kabataan. Ang iba ay maaaring sumama at umagapay sa mga dukhang pamayanan. Ang iba naman ay maaaring makilahok sa pagsusulong ng mga patakarang nangangalaga sa kalikasan.[15] Maaaring magkakaiba ang ating mga gawain, ngunit iisa ang ating misyon.
Isang Diyosesis. Maraming daluyan. Isang Ilog na Nagbibigay-Buhay.
Ang Diocesan Ministry on Ecology (DIMEc) ay tinatawag at inaatasan upang tumulong sa pagpapakilos at paggabay sa kilusan at misyon ito, upang ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang maging serye ng mga gawain, kundi magkaroon tayo ng tunay na kultura ng ekolohikal na pagbabago-loob sa buong Diyosesis.[16]
MULA SA ALTAR PATUNGO SA ILOG
Ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay nagmumula sa santuwaryo. Para sa atin, ito ay paalala na ang ating misyon para sa Sangnilikha ay nagsisimula sa Diyos.[17]
Sa Eukaristiya, tinatanggap natin si Kristo, ang Tinapay ng Buhay, at isinugo upang maging mga daluyan ng buhay na ganap at kasiya-siya.[18]
Kaya naman, ang ating pananalingin ay marapat maisalin sa konkretong pagkilos. Ang Eukaristiya ay dapat dumaloy tungo sa pag-ibig at paglilingkod. Ang ating pananampalataya ay dapat dumaloy patungo sa pananagutan. Ang ating pagsamba ay dapat dumaloy patungo sa misyon.[19]
Hindi natin maaaring ipagdiwang ang Maylikha habang nananatiling tayong walang pakialam sa pagkawasak ng Sangnilikha. Hindi natin maaaring tanggapin ang Katawan ni Kristo habang ipinagwawalang-bahala naman natin ang pagdurusa ng ating mga kapatid.[20]
Ang Panahon ng Sangnilikha ay nananawagan sa atin: MANALANGIN. MAKINIG. MATUTO. KUMILOS.
PUMASOK AT MAGBABAD TAYO SA ILOG
Minamahal na mga kapatid, ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay nagsisimula bilang isang maliit na sapa. Ngunit habang ito ay patuloy na umaagos, lalo itong lumalalim, hanggang sa muling sumigla ang buhay saan man ito dumaloy.[21]
Marahil, ganito rin maaaring magsimula ang ating ekolohikal na pagbabago-loob: isang puso, isang pamilya, isang parokya, isang pamayanan, isang maliit ngunit tapat na pagkilos bilang mga katiwala at tagapangalaga sa bawat pagkakataon.[22]
Hindi natin kailangang baguhin ang lahat nang agaran at sabay-sabay. Ngunit kailangan nating magsimula. Ngayon.
Pumasok at magbabad tayo sa ilog. Hayaan nating baguhin ng tubig na mula sa Diyos na nagbibigay-buhay ang ating mga puso, ang ating mga pamayanan, at ang paraan ng ating pamumuhay bilang Sambayanang Kristiyano na maka-Diyos, maka-Tao, maka-Buhay, maka-Kalikasan, at maka-Bayan.[23]
At nawa’y patuloy na dumaloy ang tubig na nagbibigay-buhay: mula sa ating mga puso tungo sa ating mga tahanan, mula sa ating mga tahanan tungo sa ating mga parokya, mula sa ating mga parokya tungo sa ating mas malawak na mga pamayanan,
mula sa ating mga pamayanan tungo sa ating mga ilog at dagat, at patungo sa mga salinlahi pang darating.[24]
Nawa’y maging ilog ng buhay, kagalingan, at pag-asa ang Diyosesis ng Imus para sa Cavite at para sa ating iisang tahanan.[25] At kapag tinanong tayo ng ating mga anak kung ano ang ginawa natin upang mapanagutan ang pagkakasugat at unti-unting pagkawasak ng Sangnilikha, nawa’y buong pagpapakumbaba nating masabi: Naging tayo. Nagbangon-loob tayo. Kumilos tayo. At ngayon ay nangangalaga tayo. Umasa tayo. Pumasok at nagbabad tayo sa ilog.
Sapagkat ang Salita ng Diyos ay nananatiling ating pangako at misyon: ‘Saan man dumaloy ang ilog, lahat ay mabubuhay’ (Ezekiel 47:9).[26]
+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.
Bishop of Imus