Miyerkoles ng Abo

February 22, 2023

Miyerkoles ng Abo

 LIHAM PASTORAL
Miyerkoles ng Abo
Ika-22 ng Pebrero 2023
 

Pagbati ng kapayapaan! 

Ang Miyerkoles ng Abo ay hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Kwaresma. Ito ay ang natatanging panahon upang suriin natin ang ating ugnayan sa Panginoon na madalas ay nawawasak dulot ng ating mga pagkakamali at mga kasalanan. 

Dahil dito, marapat lamang na alabok, lupa, o abo ang maging simbolo ng ating pagiging tao. Ang mga ito ay nagpaaalala sa ating karupukan, kahinaan, at mga kasalanan. 

Subalit, ito ay isang mukha lamang ng Panahon ng Kwaresma. Lagi nating tatandaan na sa mata ng Diyos, hindi tayo mga alabok lamang. Tayo ay may dangal dahil nilikha tayo ayon sa Kanyang larawan. (Gen. 1:27) Totoo na ang Kwaresma ay tungkol sa ating pagiging makasalanan. Subalit, ito rin ay ang kwento tungkol sa paghango at pag-akay sa atin ng ating Panginoong Hesus patungo sa Diyos Ama. Natupad ito sa pamamagitan ng kanyang kusang-loob na pagpapakasakit, pagkamatay sa krus, at muling pagkabuhay. Tinatawag din itong Misteryo Paskuwal ng ating Panginoong Hesukristo na gugunitain natin at ipagdiriwang sa Triduo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Paschal Triduum). 

Ang pagpanumbalik ng ating dangal bilang mga anak ng Diyos ay ang pinakamahalagang regalo na patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Ito ang kalooban ng Diyos na Kanyang ibinubunyag ngayong Panahon ng Kwaresma. 

Kaya ang panahong ito ay pagkakataon din ng ating pagbabalik-loob sa Kanya. Sa tagpong ito, hayaan nating gabayan tayo ng mga pagbasa sa Banal na Kasulatan. Tatlong banal na gawain ang iniaalok sa atin ng Diyos tuwing panahon ng Kuwaresma — pananalangin, pagsasakripisyo para pagsisihan ang ating mga kasalanan at pagkakawang-gawa. 

Sa unang pagbasa ngayong Miyerkules ng Abo mula sa Aklat ni Propeta Joel, tayo ay inaanyayahan, una sa lahat, na taimtim na manalangin. Sa pamamagitan ng panalangin, sinusuri natin ang kalooban nating hitik sa pagkakamali at pagkukulang. Dahil dito, nakakatagpo natin ang Diyos at natututo tayong magpakumbaba sa Kanya na nagsasabing: 'Magsisi kayong taos sa puso, hindi pakitang tao lamang.' (Joel 2:13) Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagsisimula sa kusang pakikipagtagpo sa Diyos sa pananalanging may pagpapakumbaba. 

Sa diwang ito, inaanyayahan ko ang lahat ng mga parokya at sambayanan sa Diyosesis ng Imus na bigyang diin ang pananalangin ngayong Panahon ng Kwaresma. Ngayong patapos na ang Corona Virus 2019 (COVID-19) pandemic at bumabalik na tayo sa normal na mga pagdiriwang, pagsumikapan nating palalimin pa ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pang­espiritwal na mga programa katulad ng mga Banal na Oras, banal na pagsasanay (recollection), pangungumpisal, pakikiisa sa Banal na Misa, Estasyon ng Krus, at marami pang iba. Ang mga ito ay daan upang mapanumbalik ang ating kalooban sa Diyos. 

Ikalawa, ang pagsasakripisyo lalo na sa pamamagitan ng pag-aayuno at abstinensiya. Ang pag­aayuno (fasting) at iba pang pagsasakripisyo ay kalugod-lugod ding gawain na iniaalok sa atin ng Diyos. Sa pagsasakripisyo natin at pagdisiplina natin ng ating mga hilig na pangkatawan, uunlad tayo sa kabanalan lalo na sa pagbabayad-puri sa ating mga kasalanan. Ang ating Panginoong Hesukristo ay tumigil sa ilang (desert) ng 40 araw bago Siya nangaral sa mga tao. Naranasan Niya ang pagkagutom at pagkauhaw. Tinukso Siya ni Satanas pero hindi nanaig si Satanas sa Kanya. Mapapaglabanan din natin ang tukso at kasalanan sa pagsasakripisyo. 

Ikatlo, ang isang tanda ng pagbabalik-loob sa Diyos ngayong Panahon ng Kwaresma ay ang paggawa ng kabutihan sa kapwa katulad ng pagkakawang-gawa (acts of charity). Sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo, ang tahimik at taimtim na paggawa ng kabutihan para sa mga nangangailangan ay kinalulugdan ng Diyos. Kaya, sinabi ni Hesus: 'Pag-ingatan nyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.' (Mt. 6: 1) 

Ang taos-pusong pagtulong sa kapwa na walang hinihinging kapalit ay daan tungo sa kabanalan. Walang anumang handog na materyal ang mas hihigit pa sa pag-aalay ng panalangin, panahon, talento, yaman, at sarili para iangat ang kalagayan ng mga dukha at nahihirapan. 

Sa panahong ito na marami ang naghihirap dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at ang iba pa ay walang trabaho, inaanyayahan ko ang bawat parokya at mananampalataya sa Diyosesis ng Imus na maging bahagi ng buhay-pananampalataya ang pagtulong sa mga mahihirap. Ang pagbibigay ng anumang tulong sa mga nangangailangan ay siguradong gagantimpalaan ng Diyos. 

Magandang pagkakataon ang Panahon ng Kwaresma na maging bahagi ng kamalayan natin araw­araw ang pagkakawanggawa. Halimbawa, ang Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. ay naglulunsad ng FAST2FEED Program tuwing Miyerkoles ng Abo para paalalahanan tayong lahat na may responsibilidad tayong tulungan at pangalagaan ang mga dukha lalo na ang mga malnourished children. Maaari po kayong pumunta sa mga opisina ng mga parokya para humingi ng donation envelopes para sa inyong tulong. Ilang parokya sa ating diyosesis ang nagsasagawa na ng Feeding Program para sa mga batang kulang sa timbang upang sila ay maging malusog at maging marunong sa pag-aaral. Ang malnutrisyon ay kaya nating bigyan ng solusyon sa pamamagitan ng Feeding Program. 

Ito at marami pang iba ang pwede nating gawin para maging mabiyaya ang Panahon ng Kwaresma at mas mapalalim pa natin ang ating pananampalataya at buhay kabanalan bilang mga Katoliko. 

Maraming salamat po sa inyong pagsusumikap na mapalalim ang inyong ugnayan sa Panginoon. Panalangin ko po ngayong Panahon ng Kwaresma na patuloy kayong maging daan tungo pagpapanibago ng ating mga sambayanan sa diwa ng pananalangin, pagsasakripisyo at pagkakawanggawa. 

Pagpalain nawa kayo ng Diyos! Lubos na gumagalang,

(SGD) +REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.

Obispo ng Imus 


Latest Pastoral Letters

Pastoral Letter on the Opening of the Season of Creation 2024

August 30, 2024


PASTORAL STATEMENT ON THE ABSOLUTE DIVORCE BILL

June 26, 2024


ARAW NG PAGLINGON AT PAGTANAW

February 29, 2024


Miyerkoles ng Abo

February 22, 2023

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.1.3