ARAW NG PAGLINGON AT PAGTANAW

February 29, 2024

ARAW NG PAGLINGON AT PAGTANAW

 LIHAM PASTORAL 

ARAW NG PAGLINGON AT PAGTANAW
(Ika-29 ng Pebrero, 2024)
 

'Si Jesukristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman.' (Hebreo 13:8) 

Minamahal na mga kapatid na pari, mga relihiyosa at relihiyoso, mga lider layko ng ating mga parokya, lahat kayong mga kapatid kay Kristo, 

Sumainyo ang pagpapala ng Panginoon! 

Natitipon tayo ngayong araw na ito sa ilang kadahilanan. Una, ipinagdiriwang natin ang ika-25 Taon ng First Diocesan Pastoral Assembly (DPA-1) na ginanap noong Pebrero 22-26, 1999 sa Development Academy of the Philippines (DAP), Tagaytay City, sa pangunguna ng yumaong Manuel C. Sobreviñas, D.D., Obispo ng Imus noon. Sa pagtitipon na iyon nabuo ang PANGARAP (VISION) NG DIYOSESIS NG IMUS. 'Maging sambayanang Kristiyanong maka-Diyos — makatao, makabuhay, makakalikasan at makabayan - mga alagad ni Kristo at Simbahan ng mga Dukha na may pananagutan at pakikisangkot sa pinagpanibagong lipunan sa tulong ni Maria, Birhen ng Del Pilar' 

Binalangkas din noon ang mga ATAS NA GAWAIN (MISSION STATEMENT) ng ating diyosesis

1.      Patuloy na paghuhubog ng mga Pari, Relihiyoso/ a at Layko, 

2.      Pagbubuo at pagpapatibay ng mga munting pamayanang Kristiyano (BEC), na nakabatay sa Salita ng Diyos at Turo ng Simbahan, upang maging buhay na saksi ng paghahari ng Diyos, 

3.      Pagtatatag ng mga angkop na balangkas at programang pang-diyosesis, pambikaryato at pamparokya, at 

4.      Maka-Kristiyanong pagtugon sa mga pagbabagong nagaganap sa pamilya at lipunan. 

Patuloy nating pinagsisikapang maisabuhay ang mga ito bilang sambayanan ng Diyos. Nasundan ito ng mga konsultasyon at pagbubuo o pagtutukoy ng limang (5) larangan (Apostolate) at dalawampu't dalawang (22) ministri na tinawag na DIOCESAN PASTORAL PRIORITIES FOR EVANGELIZATION (DPP-E). Ipinag-utos ang pagpapatupad nito noong ika-25 ng Marso, 2004 ng dating Obispo ng Diyosesis Luis Antonio G. Tagle na ngayon ay Luis Antonio Cardinal G. Tagle — Pro-Prefect for the Section of First Evangelization of the Dicastery for Evangelization. Noong dumating ako dito sa ating diyosesis, sa tulong ng yumaong Fr. Sharkey Brown at mga pari ay nakapagbuo tayo ng Pastoral Plan na nakaugat sa DPP-E na ginamit natin sa iba't-ibang ministri. Tinatawag itong 'Alfonso Document' dahil nabuo ito sa St. Paul Renewal Center, Brgy. Taywanak, Alfonso, Cavite at pormal na inilunsad ito noong 2014 sa Rogationist College Auditorium. Nililingon natin ngayon ang lahat ng naging pag-unlad, hamon, at mga biyaya na tinanggap natin bilang sambayanan ng Diyos na may misyon sa nagbabagong kalagayan ng Simbahan at lipunan sa lalawigan ng Cavite. 

Napakahalagang magpuri at magpasalamat tayo sa Diyos sa dalawampu't-limang (25) taon na nakaraan na ginabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating mga pagkilos, pagsisikap at pagkakaisa sa landas ng pagpapanibago. Napakahalagang makita natin sa ating paglingon ang ating mga kalakasan at kahinaan, ang ating paghuhubog na pinagdaanan, ang ating mga pagkilos at pagpapahayag ng ating mga saloobin na mahahalagang sangkap ng ating sama-samang paglalakbay bilang isang diyosesis. Napakahalagang sinuri natin ng ilang beses at lalo pa nitong nakaraang dalawang taon ang pagpapatupad natin ng mga apostolado at ministri sa ating diyosesis. Matiyaga nating binigyan ng pagtatasa (evaluation) ang iba't-ibang apostolado at ministri na nakapaloob sa ating mga programang pastoral para makapagbalangkas tayo ng mas epektibong pamamaraan ng paghuhubog at pagpapanibago para sa lahat. Mula sa mga pagtatasa (evaluation) na ito ay nagdesisyon ang ating diyosesis na maghubog ng mga Lay Pastoral Workers (LPWs) na malaki ang maiaambag sa pagpapatupad ng ating programang pastoral. Mayroon po tayo ngayong siyam (9) na Lay Pastoral Workers (LPWs). Salamat sa kanilang sipag at dedikasyon sa pagpunta sa mga parokya para mapasigla pa lalo ang ating mga programang pastoral. 

Ang ikalawang dahilan ng ating pagtitipon sa aspeto ng paglingon ay upang gunitain ang ika-32 Taon ng Pagpanaw ng ikalawang Obispo ng Diyosesis ng Imus, ang Lubhang Kgg. Felix P. Perez. Pumanaw siya noong Pebrero 29, 1992. Naglingkod siya sa ating diyosesis sa loob ng dalawamput-tatlong taon (1969-1992). Kilala siya sa malalim niyang malasakit sa mga dukha at mga nangangailangan. Ang sabi niya: 'The Church must be on the side of the poor, because most of the time we will be right when we are on the side of the poor.'Ang dugtong pa niya — '... the Diocese of Imus has a preference and option for the poor... I think that whenever there is some kind of injustice being done, the church always comes out... and has something to say on the side of the poor.' (halaw sa aklat 'Caritas Omnia Sustinet,' The Spirituality of Discipleship of Bishop Felix Paz Perez) 

Sa araw na ito na ika-32 Anibersaryo ng kamatayan ni Bishop Felix Perez nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mahigit na dalawampung taon na pagpapastol ng butihing obispo sa ating diyosesis. Mananatiling inspirasyon natin at halimbawa ang pagmamalasakit ni Bishop Felix Perez sa mga dukha na nakasaad din mismo sa pananaw ng ating diyosesis. Dahil alam natin na ang mga banal na nauna na sa atin ay buhay sa piling ng Diyos, sigurado ako na natutuwa sa Bishop Felix Perez sa lahat nating ginagawang pagmamalasakit sa isa't-isa lalo na sa mga dukha at nasa laylayan ng ating lipunan na tunay na malapit sa kanyang puso. 

Bukod sa ang araw na ito ay Araw ng Paglingon, ito'y Araw din ng Pagtanaw. Mula sa araw na ito na ika-25 Anibersayo ng First Diocesan Pastoral Assembly (DPA-1) ay sama-sama tayong tumatanaw sa magandang bukas at magpapanibago ng pagtatalaga ng ating sarili sa katuparan ng ating pangarap at misyon. Pinangarap ni Bishop Felix Perez noon na magdaos ng Pandiyosesis na Sinodo (Diocesan Synod) para maipatupad ang nilalaman ng Ikalawang Konsilyo Vaticano. Naanyayahan pa niya noon ang Kgg. na Arsobispo Oscar Cruz para magbigay ng panayam tungkol sa Pandiyosesis na Sinodo. Iminungkahi ni Arsobispo Cruz na hintaying matapos ang Second Plenary Council of the Philippines (PCP II). Nabuo ang Committee on Synod Preparation sa pagtitipon ng mga pari sa La Salette noong Oktubre 14, 1991. Sa di inaasahang pangyayari ay pumanaw si Bishop Felix Perez noong Pebrero 29, 1992. Pero sa biyaya ng Diyos, isasakatuparan natin ang pinangarap noon ni Bishop Perez na magdaos ng Sinodo ang ating diyosesis. 

Kaya po, ito ang ikatlong dahilan ng ating pagtitipon. Bilang kasalukuyang Obispo ng ating diyosesis, pormal ko pong ipinahahayag na magdaraos tayo ng First Diocesan Synod sa 2026. Hihintayin muna nating matapos ang Synod on Synodality ng buong Simbahan na may temang 'For a Synodal Church: Communion, Participation, Mission'... 'Simbahang Sinodal: Nagkakabuklod, Nakikibahagi, Nagmimisyon.' Binuksan ng ating Santo Papa Francisco noong Oktubre 10, 2021 ang Sinodo na ito at ang huling pagtitipon ng XVI Ordinary Synod of Bishops ay magaganap sa Oktubre sa taong kasalukuyan. Pag nailathala na ang Post-Synodal Exhortation sa 2025, iaayon natin ang ating mga gawain, patakaran, at programang pastoral sa bunga ng kasalukuyang sinodo ng buong Simbahan. 

Habang hinihintay natin ang magiging bunga ng Sinodo para sa buong Simbahan, tuloy-tuloy naman ang pagsusuri natin, pagpapaliwanag at pagtatasa ng ating DPP-E at lahat pang lumabas sa konsultasyon sa Sinodo (synodal consultation). Ang matiyagang pagdaraos ng konsultasyon ng bawat Episcopal District sa loob ng dalawang taon ay bahagi na ng ating paghahanda sa gaganapin nating First Diocesan Synod sa 2026. Buo na rin ang Ad Hoc Committee on the First Diocesan Synod na pinamumunuan ng ating Bikaryo Heneral Fr. Reuel Castañeda. Patuloy po nating ipagdasal na ang lahat ng ating mga paghahanda ay maging kalugod-lugod sa Diyos at sa ikauunlad pa lalo ng ating diyosesis. Marami pa tayong magagawa para sa ating diyosesis. Makinig tayo sa paanyaya ng ating Santo Papa Francisco na sama-samang maglakbay (to journey together) at sa liwanag ng mga salita mula sa Aklat ni Propeta Isaias — 'Enlarge the place of your tent, and let the curtains of your habitations be stretched out' (Isaiah 54:2) ... 'Gumawa ka ng mas malaking tolda, habaan mo ang mga tali at dagdagan ang tulos.' (Isaias 54:2) 

Ang ikaapat na dahilan ng ating pagtitipon sa araw na ito ay iaanunsiyo ang lahat ng Priest Animators at Priest Collaborators ng iba't-ibang ministri; ganon din ang mga Spiritual Directors ng mga religious organizations at movements. Iaanunsiyo din ang magsusulong ng Pastoral Integration at Cluster of Communities partikular ang SIMBAHAYAN (Simbahang Pamayanan) na tuloy-tuloy na dumarami at nagiging masigla sa ating diyosesis. 

Marami pang biyaya ang darating sa ating diyosesis. Patuloy nawa tayong patatagin ng Diyos sa ating pananampalataya, pag-alabin ang ating pag-asa tango sa magandang bukas. Palalalimin pa lalo sana ng Diyos ang ating pagmamahalan at pagmamalasakitan sa isa't-isa. Ginagabayan tayo ng Espiritu Santo sa lahat nating mga gawain. Siya ang bukal ng tunay na pagkakaisa at paglago natin sa kabanalan. Ang Panginoong Hesukristo ang tunay na Pastol na nangangalaga sa atin. 'Si Jesukristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman.' (Heb. 13:8) 

Nawa'y sa tulong ng Mahal na Birheng Maria, Birhen Del Pilar, Patrona ng ating diyosesis, sama­sama tayong makapaglakbay sa pagsasakatuparan ng ating pangarap at misyon. 

Pagpalain nawa kayong lahat ng Diyos! 

Lubos na gumagalang, 

(SGD) +REYNALDO G. EVANGELISTA

Obispo ng Imus

>

Latest Pastoral Letters

Pastoral Letter on the Opening of the Season of Creation 2024

August 30, 2024


PASTORAL STATEMENT ON THE ABSOLUTE DIVORCE BILL

June 26, 2024


ARAW NG PAGLINGON AT PAGTANAW

February 29, 2024


Miyerkoles ng Abo

February 22, 2023

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.1.3