LUNGSOD NG DASMARIÑAS, CAVITE — Nagsagawa ng pagpupulong ang Ministri sa Liturhiya (MSL) ng Diyosesis ng Imus para sa mga parish coordinator ng Ministry on Music in the Liturgy noong Enero 18 sa Two Hearts of Jesus and Mary Chapel ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute (DLSMHSI) sa lungsod na ito.
Dumalo ang 129 na music coordinators mula sa 63 parokya sa Cavite. Kasama sa bilang na ito ang 34 na coordinators ng Ministri sa Liturhiya sa mga parokya.
Ang pagtitipon, na nagtagal mula ika-7 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, ay sinimulan sa Banal na Misa na pinangunahan ni Rdo. P. Ashpaul A. Castillo, ang priest-animator ng MSL. Sinabi ni Fr. Castillo na ang layunin ng pagtitipon ay upang pag-usapan ang “future” ng ministri para sa diyosesis.
Nagbigay rin si Padre Castillo ng panayam na may paksang “Synodality and the Updated DPPE," kung saan ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng dating DPPE booklet na kulay dilaw sa kasalukuyang DPPE booklet na kulay pink.
Kabilang sa mga pagbabago ang balangkas ng MSL, kung saan dalawang pari na lamang ang nakatalaga: si Padre Castillo bilang priest-animator at si Rdo. P. Roberto "Bobby" Capino bilang priest-collaborator. Paiiralin ang shared responsibility sa pagitan ng mga pari at mga layko, kung kaya ang ministri ay bumuo ng core group na kabilang ang lay coordinators ng limang sub-ministri.
Isinagawa din ang pagbabahaginan ng bawat bikaryato sa inspirasyon ng “Conversation in the Spirit." Tinalakay ng bawat grupo ang posibleng pagbubuo ng pambikaryato o pandistritong choir at ang maaaring maging benepisyo nito sa ministri, mga mungkahing programa o gawaing pang-liturhiya sa musika na dapat bigyang-pansin ng diyosesis, at mga adhikain na maaaring maisakatuparan sa loob ng dalawang taon.
Ipinakilala ni Rio Gatpandan, lay pastoral worker on liturgy and formation, ang lay coordinator ng bawat sub-ministri na bumubuo ng MSL core team, na sina Christopher Lagong (Ministry on Music in the Liturgy), Mhar Bayot (Extraordinary Ministers of the Holy Communion), Wilson Que (Church Greeters and Collectors), Tina Santos (Commissioned Readers and Commentators) at James Honrada (Ministry of Altar Servers).
Nagtapos ang pagtitipon sa pag-awit ng lahat ng official theme song ng Taon ng Jubileo ngayong 2025, ang "Ningas ng Pag-asa." (Maria Cristina V. Santos, SOCCOM-Diocese of Imus)
#MinistrySaLiturhiya