Pagdiriwang ng National Laity Week 2024, binuksan sa Diyosesis ng Imus

by Mark Anthony Gubagaras

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Pagdiriwang ng National Laity Week 2024, binuksan sa Diyosesis ng Imus

September 24, 2024 by Mark Anthony Gubagaras

LUNGSOD NG BACOOR, CAVITE (Setyembre 21) — Pinangunahan ng Diyosesis ng Imus sa unang pagkakataon ang paglulunsad ng pagdiriwang ng National Laity Week 2024 noong ika-21 ng Setyembre sa auditorium ng St. Michael's Institute sa Lungsod ng Bacoor, Cavite.

Tangan ang paksang "Laity United in Prayer as Pilgrims of Hope," nakiisa ang mga kinatawan ng iba't-ibang lay associations at councils of the laity, sa pangunguna ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (LAIKO).

Tampok sa programa ang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Simbahan sa Cavite ni Fr. Virgilio Mendoza, rektor at kura paroko ng Diocesan Shrine of St. Augustine and Parish of Sta. Cruz sa Tanza. Nagbigay rin ng kani-kanilang mensahe sina Bro. Xavier Padilla, pangulo ng LAIKO, at Bro. Danilo Billedo, coordinator ng Diocesan Council of the Laity of Imus at kasapi ng LAIKO board of trustees.

Nagbahagi naman ang obispo ng Imus, Lubhang Kagalang-galang Reynaldo Evangelista, ng kanyang pagninilay sa isang talk ukol sa kahalagahan ng sama-samang panalangin. Nagsalita rin si Atty. Girlie Noche, pangulo ng Alliance for Family Foundation Inc., ukol sa usapin ng divorce at sa pagsulong ng kampanya ng Simbahan laban dito, at si Fr. Miguel Concepcion III, priest animator ng Ministri sa Kalikasan ng Diyosesis ng Imus, ukol sa pagtugon ng ating mga Kapanalig sa mga suliranin sa kalikasan.

Naunang nagsimula ang pagtitipon sa tradisyonal na Karakol bilang parangal sa Mahal na Birhen del Pilar, ang patrona ng Diyosesis ng Imus. Sinundan ito ng Banal na Misa sa St. Michael the Archangel Parish sa Bacoor na pinangunahan ni Bishop Evangelista at mga kasamang pari.

Nagkaroon din ng kani-kanilang gawain para sa pagbubukas ng National Laity Week ang iba pang mga arkidiyosesis at diyosesis sa Pilipinas. Kabilang dito ang pagtitipon ng mga council of the laity, prayer rally, motorcade, webinar sa paksang "Common Care of our Common Home," at formation drive laban sa divorce.

Ipinagdiriwang ang National Laity Week tuwing huling linggo ng Setyembre bilang pagkilala ng Simbahan sa mahalagang gampanin ng ating mga Kapanalig na layko upang magbigay-buhay sa mga parokya at mga nasasakupan nitong pamayanan.

Gaganapin ang pagtatapos ng National Laity Week sa Sabado, ika-28 ng Setyembre, kasabay ng Regional Lay Leaders Conference, sa arsobispado ng San Fernando, Pampanga. Naitaon ito sa araw ng kapistahan ng unang santong Pilipino na si San Lorenzo Ruiz. (Mark Anthony B. Gubagaras, Rusty M. Recentes at Binea Jeverly C. Antang, Diocese of Imus SOCCOM)

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.1.3