LUNGSOD NG IMUS, CAVITE — Ganap nang idedeklara mamayang gabi, Disyembre 31, ang 20 simbahan sa Diyosesis ng Imus sa Cavite na itinalaga bilang Jubilee churches para sa Taon ng Hubileo 2025, na may paksang "Pilgrims of Hope" o "Lakbay Pag-Asa."
Kabilang sa mga Jubilee church ang Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar o Imus Cathedral, at mga piling simbahan sa Bacoor, Carmona, Cavite City, Dasmariñas, General Trias, Kawit, Indang, Maragondon, Mendez, Naic, Rosario, Silang, Tagaytay, Tanza at Trece Martires.
Babasahin sa mga nasabing simbahan ang decree of declaration bilang Jubilee church sa kanilang mga Misa mamaya sa bihilya ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.
Pinangkat ang mga simbahan ayon sa limang core values ng Diyosesis, sa hangad na maranasan ng mga mananampalataya ang pag-asa at pagpapanibago upang "maging sambayanang Kristiyanong maka-Diyos, maka-tao, maka-buhay, maka-kalikasan at maka-bayan."
Hinihikayat ang pagdalaw sa hindi bababa sa limang Jubilee churches na ito.
Samantala, naunang binuksan ang Taon ng Hubileo sa Diyosesis noong Disyembre 29 sa Misang ginanap sa Katedral ng Imus na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang na Obispo Reynaldo Evangelista at mga kasamang pari.
Bago ang Misa ay iprinusisyon ang Jubilee cross mula sa Our Lady of the Pillar Catholic School o OLPCS patungo sa katedral na nilahukan ng mga pari, relihiyoso at relihiyosa, at layko mula sa iba't-ibang parokya at institusyon ng Diyosesis.
Nagtipon din ang mga kabataang Kabitenyo sa OLPCS para sa isang Youth Assembly kung saan pinagnilayan ang Salita ng Diyos at ang pagtugon sa tawag na mas mapalapit kay Kristo bilang Bukal ng Pag-asa sa kabila ng mga hamon sa buhay. (Mark Anthony B. Gubagaras, Diocese of Imus SOCCOM; larawang kuha ni Unoboy Camantigue, San Francisco de Malabon Parish SOCCOM)