Lungsod ng Cagayan de Oro - Ang Ministri sa mga Pamanang Pangkalinangan ng Simbahan ay opisyal na nakiisa sa 14th Biennial National Convention of Church Cultural Heritage Workers na ginanap noong Marso 2–5, 2026 sa Lungsod ng Cagayan de Oro. Ang naturang pagtitipon ay naglalayong higit pang pagtibayin ang pangangalaga, pagpapahalaga, at pagpapatuloy ng pamana ng Simbahan bilang mahalagang bahagi ng ating pambansang kultura.
Kasama sa mga pangunahing gawain ang heritage tour, kung saan binisita ng mga delegado ang ilang makasaysayang pook. Kabilang dito ang guho ng sinaunang Simbahan ng Jasaan at ang kasalukuyang istruktura nito na kinilala bilang National Cultural Treasure dahil sa natatanging sining at arkitektura. Dinalaw rin ang dambana ng Nuestra Señora de la Candelaria sa Claveria at ang Saint Augustine Metropolitan Cathedral sa Cagayan de Oro.
Nakibahagi ang mga delegado mula sa ating Diyosesis sa serye ng mga talakayan na nakatuon sa:
• proseso ng deklarasyon ng mga heritage sites,
• pagpapalakas ng partisipasyon ng pamayanan sa pangangalaga ng pamanang simbahan, at
• pag-unawa sa Simbahan bilang isang “living heritage” na patuloy na ginagamit at pinayayaman ng komunidad ng mananampalataya.
Sa pamamagitan ng mga diskusyong ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na magbahaginan ng karanasan at pinakamahusay na praktis sa pangangalaga ng mga makasaysayang simbahan at iba pang pamanang pangkalinangan. Isa rin sa mga pangunahing layunin ng pagtitipon ang pagpapalakas ng kolaborasyon at ugnayang pang-institusyon sa pagitan ng mga diyosesis at iba’t ibang sektor upang higit pang mapangalagaan ang pamana ng Simbahan.
Matapos ang convention, nagtungo ang Ministri sa Xavier University – Ateneo de Cagayan para sa benchmarking activity, kabilang ang pagbisita sa University Church (Immaculate Conception Chapel) at sa Museo De Oro. (Ulat at mga larawan mula kay Miguel Prado Abenales, Miyembro ng Ministri sa mga Pamanang Pangkalinangan ng Simbahan, Diyosesis ng Imus)