LUNGSOD NG TAGAYTAY, CAVITE (Pebrero 11, 2026) — "Ang tunay na debosyon, ang tunay na pagsunod sa mahal na Birhen ng Lourdes, ipakita sa gawa. Ipakita sa kawanggawa."
Hinamon ng obispo ng Imus, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, ang ating mga Ka-indayog na pagmalasakitan ang kapwa, lalo na ang mga may sakit at may tiisin, bilang tanda ng tunay na pagde-debosyon sa mahal na Birhen ng Lourdes.
Sinabi ito ng obispo sa kanyang homiliya sa Misa Concelebrada na ipinagdiwang ngayong araw bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng Birhen ng Lourdes at Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit sa Our Lady of Lourdes Parish sa Lungsod ng Tagaytay.
Nakatuon ang pagdiriwang ng kapistahan ngayong taon sa paksang "Malasakit at Pakikisa sa Kapwang May Tiisin: Tanda ng Pagsunod sa Mahal na Birhen ng Lourdes."
Ayon kay Bishop Evangelista, tunay na kalugud-lugod sa Diyos ang anumang gawain ng malasakit sa mga nangangailangan sapagkat una Siyang nagmalasakit at laging nagmamahal sa atin. Tanda aniya ng malasakit na ito ang pagbibigay ng Diyos sa atin ng mahal na Birheng Maria.
"Huwag tayong basta makukuntento na nagsisimba, nagro-rosary, nagpu-prusisyon, nag-de-debosyon sa Mahal na Birhen. Malasakit na ba 'yon? Kulang. Kung wala ka pang nagagawang mabuti sa kapwa, huwag ka munang tumulog. Tumulong ka muna kung sino ang pwedeng tulungan – kapitbahay man 'yan, kasama sa trabaho, kung sino man na makita mo," ani Bishop Evangelista.
Ipinaalala din ng obispo ang tapat na malasakit ng Diyos na nagsimula pa noong una at muli Niyang ipinamalas sa kasalan sa Cana, Galilea, kung saan sa pamamagitan ng Birheng Maria ay isinagawa ng Panginoong Hesus ang unang himala Niya nang gawing alak ang tubig sa mga tapayan na handa sa kasalan. Ang Mabuting Balitang ito ayon kay San Juan (2:1-11) ang isa sa mga pinagnilayan sa Misa Concelebrada ngayong araw.
Sabi ni Bishop Evangelista, hinihikayat tayong patuloy na manalig sa mga pangako ng Diyos tulad ng kung papaano nagtiwala ang mahal na Birhen sa biyaya ng Kataas-tassan nang tanggapin niya ang pagiging Ina ng Diyos, ang ating Tagapagligtas at Panginoong Hesus.
Sa bandang huli, nagpasalamat si Bishop Evangelista sa mga Ka-indayog nating layko, relihiyoso at relihiyosa sa nagsasagawa ng apostolate work sa mga ospital, kulungan at iba't-ibang pamayanang nangangailangan.
Kabilang sa mga dumalo sa Misa Concelebrada ang bikaryo apostoliko emeritu ng Puerto Princesa, Palawan, Lubhang Kgg. Pedro D. Arigo, gayundin ang mga paring diyosesano sa pangunguna ng vicar forane ng Bikaryato ng San Rafael Arkanghel, Rdo. Padre Armando C. Timajo, at mga pari mula sa Kapatirang Capuchino ng Pilipinas sa pangunguna ng kura paroko ng Our Lady of Lourdes Parish, Rdo. Padre Eugenio Juanilo P. Lopez, OFMCap.
Bukod sa iba pang mga Misa sa buong araw, dalawa pang Misa Concelebrada ang ipagdiriwang. Kabilang dito ang ginanap kaninang ika-10 ng umaga sa pangunguna ng tubong-Cavite at arsobispo emeritu ng Caceres, Lubhang Kgg. Rolando J. Tria Tirona, OCD, at ang gaganapin mamayang ika-6 ng gabi na pangungunahan ng obispo ng Cubao, Lubhang Kgg. Elias L. Ayuban Jr., CMF.