The Boardroom, LPU Cavite – Mayo 7, 2025
Isang makasaysayang kasunduan ang nilagdaan ngayong ika-7 ng Mayo 2025 sa pagitan ng Lyceum of the Philippines University (LPU) – Cavite at ng Caritas Diocese of Imus Foundation, Inc. (Caritas Imus), sa isang seremonyang ginanap sa The Boardroom ng LPU Cavite. Layunin ng Memorandum of Agreement (MOA) na pagtibayin ang ugnayan ng dalawang institusyon sa pagpapatupad ng mga makabuluhang programang pangkomunidad at pangkawanggawa.
Ang inisyatibong ito ay isinulong ng LPU Cavite sa pangunguna ni Dr. Fedelyn Estrella, Head of Community Outreach and Service Learning, bilang bahagi ng kanilang layunin na mapalawak pa ang epekto ng kanilang mga extension programs.
Ang bagong kasunduan ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng Caritas Diocese of Imus sa ilalim ng KASAMA Program— Kalakbay Sa Malasakitan. Bahagi ng programang ito ang KASAMA Institution, na siyang nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa mga institusyong pang-edukasyon at iba pang organisasyon upang isulong ang faith-inspired social action sa pamamagitan ng edukasyon, bolunterismo, at konkretong serbisyo sa kapwa. Sa pamamagitan ng KASAMA Institution, pinalalalim ang diwa ng pakikipag-kapwa at sama-samang pagbabago sa pamamagitan ng mga strategic partnerships tulad ng isinagawang MOA signing.
Pormal na sinimulan ang programa sa isang panimulang panalangin at pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pamamagitan ng audio-visual presentations. Sinundan ito ng mainit na pagtanggap mula kay Dr. Maria Teresa O. Pilapil, Vice President for Administration ng LPU Cavite, na nagpahayag ng buong suporta sa pakikipagtulungan sa Caritas Imus.
Nagbigay naman ng mas malalim na pagtalakay sa mga programa at adbokasiya ng LPU Cavite si Ms. Mia Aiko O. Pilapil, Head ng Internationalization and External Affairs. Kasunod nito, inilahad ni Rev. Fr. Knoriel A. Alvarez, Pangulo ng Caritas Diocese of Imus Foundation, Inc., ang misyon at mga inisyatiba ng Caritas Imus, gayundin ng Social Action Commission ng Diyosesis ng Imus.
Nagbigay rin ng karagdagang impormasyon si Jon Augustin "Jong" Lazaro, Information and Communication Officer ng Caritas Imus, tungkol sa mga kasalukuyang proyekto ng kanilang organisasyon na naglalayong mas mapalapit ang serbisyo sa mga nangangailangan.
Ang pinakahihintay na bahagi ng programa ay ang pormal na paglagda ng Memorandum of Agreement, na nagsilbing hudyat ng opisyal na pagsisimula ng mas malalim na kooperasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Dr. Mark Irvin C. Celis, Vice President for Academic Affairs ng LPU Cavite. Ayon sa kanya, ang mga programa ng Caritas Imus ay lubos na naaayon sa layunin ng pamantasan para sa holistic development ng kanilang mga mag-aaral, guro, at buong komunidad.
Dumalo rin sa pagtitipon si Ms. Raizza P. Corpuz, Director of the Center for Student Affairs ng LPU Cavite, kasama ang mga Lay Pastoral Workers ng Caritas Imus na patuloy na nagsusulong ng mga gawaing pangkomunidad sa ilalim ng Simbahan.
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inaasahang magiging mas matatag at mas makabuluhan pa ang mga hakbangin ng LPU Cavite at Caritas Diocese of Imus sa ilalim ng KASAMA Program—isang konkretong hakbang patungo sa sama-samang pag-asa, paglilingkod, at pagbabago para sa mga nasa laylayan ng lipunan.