LUNGSOD NG IMUS, CAVITE (Disyembre 30, 2025) β Nagsama-sama ang libu-libo nating mga Ka-indayog mula sa iba't-ibang parokya at dambana sa lokal na Simbahan ng Cavite para sa Banal na Oras na ginanap kaninang ika-5 ng hapon bilang bahagi ng pandiyosesis na pagdiriwang ng pagtatapos ng Taon ng Jubileo 2025 sa diwa ng paksang "Pilgrims of Hope" (Lakbay Pag-Asa).
Idinaos ang Banal na Oras sa magkakaibang lugar ayon sa apat na distrito episkopal ng Diyosesis ng Imus.
Para sa Episcopal District of St. John, ginanap ang Banal na Oras sa Toclong Elementary School. Nagpatala muna ang ating mga Ka-indayog bago mag-ika-5 ng hapon, na sinundan ng isang roll call. Pinangunahan ng bagong orden na paring si Rdo. P. Arthur Sto. Domingo Jr. ang Banal na Oras.
Nagtipon din sa covered court ng Dimasalang Subdivision ang humigit-kumulang 300 nating mga Ka-indayog mula sa Episcopal District of St. Mark. Pinangunahan ni Rdo. P. Samuel Lubrica, kura paroko ng Parokya ng San Vicente Ferrer sa Lumampong Halayhay, Indang, ang Banal na Oras.
Samantala, nakiisa ang halos 200 nating Ka-indayog mula sa Episcopal District of St. Matthew sa ginanap na Banal na Oras sa loob ng Our Lady of the Pillar Catholic School.
Nanguna naman sa Banal sa Oras para sa humigit-kumulang 500 nating Ka-indayog mula sa Episcopal District of St. Luke ang kanilang episcopal vicar na si Rdo. P. Agustin Baas. Ginanap ito simula ika-5:02 ng hapon sa loob ng main campus ng Imus Institute of Science and Technology.
Ginanap ang paggawad ng Sakramento ng Pagbabalik-Loob sa lahat ng lugar-tipunan bilang paghahanda ng ating mga Ka-indayog sa kanilang pakikibahagi sa pagdiriwang. Layunin nito ang espiritwal na pagbabalik-loob at paggawad ng kapatawaran sa mga kasalanan upang makamit ang mga biyayang kalakip ng Taon ng Jubileo.
Matapos ang Banal na Oras at Kumpisal, nagsalu-salo ang ating mga Ka-indayog sa bawat distrito episkopal para sa kani-kanilang Community Agape. Nagtanghal ang ilang pangkat habang nagaganap ang salu-salo.
Sa mga episcopal district ng St. Luke at St. Matthew, naghandog ng masiglang sayaw ang mga kabataan mula sa kani-kanilang distrito kasama ang mga seminarista mula sa Our Lady of the Pillar Seminary.
(Ulat nina Mark Anthony B. Gubagaras, Jon Quentin Balbaguio, Jharmella Bartiana, Aldwin Poblete at Chrycel Saturno, Diocese of Imus - SOCCOM; Mga larawang kuha ng Diocesan SOCCOM Core Team at Jubilee 2025 Media Team)